PatrolPH

Nagpanggap na online seller huli sa credit card fraud

ABS-CBN News

Posted at May 20 2020 04:41 PM | Updated as of May 20 2020 08:24 PM

Watch more on iWantTFC

Arestado ang isang lalaki matapos umanong limasin ang laman o pondo ng credit card ng biktimang inalok niya ng gadget online.

Kinilala ng mga awtoridad ang suspek bilang si Marco Castro Margarico, na hinuli ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group.

Ayon sa biktimang si alyas "Linda," nakilala niya ang suspek matapos itong makipag-ugnayan sa kaniya habang naghahanap siya ng gadget online.

Matapos niyang ibigay ang detalye ng credit card niya, inakala umano ni "Linda" na ide-deliver sa kaniya ang gadget na binili niya.

Pero nagulat si "Linda" nang matuklasan umanong nalimas ang credit card niya.

Nakipagtulungan sa mga awtoridad ang online store na pinagbilhan ni Margarico gamit ang credit card ng biktima kaya nakapagkasa ng entrapment operation laban sa suspek.

Nagbabala naman si Lt. Col. Mary Ivy Salazar ng PNP Anti-Cybercrime Group na mag-ingat sa pagbili online at sa mga nakakatransaksiyon sa social media.

Natuklasan din ng mga awtoridad ang iba't ibang ID na ginagamit umano ng suspek sa credit card fraud.

Patong-patong na reklamo ang isinampa laban sa suspek, kabilang ang swindling o estafa in relation to the Cybercrime Prevention Act of 2012. -- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.