Mga OFW na 'di pinapasahod' ng employer sa Saudi Arabia umaapela ng tulong

ABS-CBN News

Posted at May 20 2020 12:27 PM | Updated as of May 20 2020 12:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Umaapela ngayon ang 32 OFW na trabahador ng isang food and beverage company sa Riyadh, Saudi Arabia ng tulong matapos umano silang hindi pasahurin nang 2 buwan ng kanilang employer.

Ayon kay Richard Leo Amburgo, magmula noong Marso ay hindi na sila binabayaran ng sahod ng kanilang employer. Binubuo ang grupo ng mga cashier, barista, at mga waiter. 

Katuwiran umano ng employer, apektado ang kanilang negosyo ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic kaya hindi na muna sila pinapasahod - kaya minabuti ng mga apektadong OFW na huwag nang pumasok sa trabaho dahil hindi umano sila pinapasahod.

"Sa kabila ng malaki pong benta ng kompanya ay hindi pa rin po naibibigay sa amin 'yong karapatan po namin... Bukas po siya delivery po 'yong service po niya pero pili lang ang pumapasok pero kasi kami po, hindi na kami pumapasok kasi magmula noong Marso hindi na po binibigay sa amin ang karaptan na para po sa amin na dapat," ani Amburgo sa "Lingkod Kapamilya" ng Teleradyo. 

"Yung masakit sa looban ang dami naming tanong sa kanila hindi po kami maisagot... Ang tanging katuwiran po nila ay dahil daw po sa COVID-19 pero hindi po nila masagot yung mismong concern namin is bakit hindi nila maibigay nang maayos ang aming karapatan," ani Amburgo.

Bukod pa rito, ayon sa grupo nina Amburgo, sinubukan na umano nilang lumapit sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) ng Riyadh, pero wala pa silang naririnig umano na solusyon tungkol sa kanilang problema. 

Pangamba nila na kapag magtagal pa ang problemang ito ay maaapektuhan na rin ang mga pamilyang sinusustentuhan nila. 

Ayon sa kasamahan ni Amburgo na si Neil, may ilan pa umano silang mga kasamahan na tinanggal sa trabaho na walang natatanggap na tulong mula sa gobyerno. 

Kabilang na aniya rito ang isa nilang kababayan na may COVID-19 na hindi umano tinatanggap ng ospital dahil tinanggal na sa trabaho at hindi na napagkakalooban ng mga benepisyo. 

Pangamba pa ng grupo ni Amburgo na maalis sila sa kanilang accomondation. 

"Ilang beses na sila lumapit sa POLO wala pa rin kaming naririnig sa employer which is nangangamba kami hmihingi ng tulong sa OWWA tinatakot kami na baka alisin kami sa accomodation," ayon kay Neil. 

At dahil sa nangyari, aniya, mas gusto na anila nilang umuwi ng Pilipinas ngayong hindi sila pinapasahod ng kanilang employer. 

Ayon kay Jay Teves, officer-in-charge ng Advocacy and Social Marketing Division ng OWWA, direkta na silang nakipag-ugnayan sa POLO para bigyang-pansin ang umano'y ginawa ng employer ng grupo nina Amburgo. 

"Ang initial na magiging action ay i-call ang attention ng employer sa pamimigay ng karampatang suweldo," ani Teves.

Tiniyak naman ni Teves na sisiguruhin nila na matututukan ng POLO ang sitwasyon nina Amburgo. 

"Once na ma-call ng POLO ang attention ang [ibig sabihin] aware ang Philippine Government sa sitwasyon niyo kung sino mang welfare officer gagamitin ng ahensiya iyon," ani Teves kay Amburgo. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.