Mga nanlilimos naglipana sa mga pangunahing kalsada sa QC

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at May 20 2020 12:14 PM | Updated as of May 20 2020 12:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Kasabay ng pagdami ng mga sasakyan sa kalsada, mas dumami rin ang mga nanlilimos sa mga pangunahing lansangan sa Quezon City sa kabila ng ipinapatupad na modified enhanced community quarantine sa Metro Manila.

Sa Barangay Bahay Toro sa Congressional Avenue, halos ginawa nang tirahan at tambayan ang center island ng ilang mga residenteng mga senior citizen at mga nanay na may bitbit pang maliliit na bata.

Inaabangan nila ang mga motoristang dumadaan para makapanlimos ng pambili nila ng pagkain.

Sa Aurora Boulevard sa Cubao, karga-karga pa ng mga nanlilimos ang kanilang maliliit na mga anak habang kumakatok sa mga sasakyan.

Sa Quezon Avenue naman, nakikipag-patintero rin sa mga motorista ang mga taong nanlilimos sa kalsada makahingi lang ng barya-baryang tulong.

Giit ng ilan sa nanlilimos, batid nila ang panganib na dala ng COVID-19 pero mas prayoridad anila na hindi mamatay sa gutom ang kanilang pamilya.

Sinubukan ng Radyo Patrol na makuha ang panig ng mga barangay officials ng mga nabanggit na lugar ngunit wala pa silang tugon habang ang iba naman ay nasa pulong o 'di kaya naman ay nag-iikot ang kapitan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.