Ina pinagtataga umano ang 3 anak sa Camarines Norte

ABS-CBN News

Posted at May 20 2020 02:43 PM

Patay ang 3 bata na pinagtataga umano ng kanilang inang dumaranas raw ng post-partum depression, Miyerkoles ng umaga sa Basud, Camarines Norte, ayon sa pulisya. Sinaksak din umano ng ina ang sarili, at kasalukyang ginagamot sa isang ospital. Photo courtesy of Basud Municipal Police Station

Patay ang 3 bata matapos pagtatagain umano ng kanilang ina umaga nitong Miyerkoles sa bayan ng Basud, Camarines Norte, ayon sa paunang ulat ng pulisya.

Dumaranas raw ng post-partum depression ang 28 taong gulang na ina, na sinaksak rin umano ang sarili matapos ang pananaga, sabi ng pulisya. Kasalukuyan itong ginagamot sa ospital dahil sa tama sa kaniyang tiyan.

Nasa 5 taong gulang, 1 taong gulang, at 4 na buwan ang edad ng mga bata. Naisugod pa ang mga ito sa ospital, pero binawian rin ng buhay.

Natagpuan ang mga duguang biktima ng kanilang ama sa loob ng silid ng kanilang bahay bandang alas-10 ng umaga, ayon sa pulisya.

Patuloy ang imbestigasyon sa pangyayari.

-- Ulat ni Rizza Mostar, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.