PatrolPH

DOH nagbabala sa third wave ng COVID-19 outbreak

ABS-CBN News

Posted at May 20 2020 07:58 PM | Updated as of May 20 2020 08:31 PM

Watch more News on iWantTFC

Nagbabala ang Department of Health na posibleng magkaroon ng ikatlong wave ng COVID-19 outbreak sa Pilipinas ngayong papatapos na ang second wave.

Sa ikalawang araw ng pagdinig ng Senate committee of the whole sa COVID-19, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na ang nararanansan ngayon ng bansa ay ang buntot ng second wave ng outbreak.

Ipinaliwanag ni Duque na ang first wave ay nangyari noong Enero, kung saan naitala ang mga unang 3 kaso ng COVID-19, na pawang mga Chinese national.

Nagsimula aniya ang second wave noong Marso noong magkaroon ng Patient 4 pataas.

Tumaas aniya nang unti-unti ang bilang ng mga nagkasakit sa coronavirus hanggang umabot sa 250 ang naitalang nagkakasakit kada araw. Umiiral pa ito hanggang ngayon pero patapos na.

"Ngayon nasa second wave tayo. Ginagawa po natin ang lahat para ma-flatten 'yong curve at para sa ganoon, magkaroon tayo ng sapat na panahon na mapaunlad at maitaas ang kakayahan sa sistemang pangkalusugan," ani Duque.

Una na itong sinabi ni Dr. John Wong ng Inter-Agency Task Force noon pang Mayo 7.

Ngayong mas lumuwag ang quarantine protocols, mahalaga umanong maiwasan ang third wave o iyong pagdami pa ng mga magkakasakit ng COVID-19 sa mga susunod na araw kung ito ay aabot sa 250 cases pataas kada araw.

Samantala, sa pinakabagong tala ng COVID-19 cases ngayong Miyerkoles, pumalo na sa higit 13,000 ang kabuuang tinamaan ng COVID-19.

Nasa 279 ang naiulat na bagong kaso para sa kabuuang 13,221.

Umabot naman sa 842 ang kabuuang bilang ng mga namatay sa sakit matapos maidagdag ang 5 ngayong Miyerkoles.

Nasa 2,932 na ang gumaling sa sakit matapos madagdagan ng 89.

Watch more News on iWantTFC

BAKUNA

Ayon sa isang pharmaceutical company, karaniwang umaabot ng 10 hanggang 15 taon ang paggawa ng isang bakuna kontra sa sakit.

Pero sa kaso ng COVID-19, 18 hanggang 24 buwan ang kanilang target para makagawa nito, lalo at buong mundo ang nangangailangan ng bakuna.

Sa ngayon, tuloy-tuloy ang kanilang paggawa sa bakunang maaaring makapigil sa pagkalat ng respiratory disease.

"We are working on what we call the candidate vaccine. we are working on defining the amount of antigen that will be needed, how should it be administered. we have already identified the particle to be used for this vaccine," ani Jean-Antoine Zinsou, general manager ng Sanofi Pasteur.

"Very soon or by the end of the year, we should enter the next phase, which is the safety and efficacy study that is performend in a sample that represents the full population," aniya.

Ngayon pa lang, nakaantabay na ang Food and Drug Administration (FDA) sa mga magagawang bakuna.

"Talagang pinaghahandaan natin 'yong magiging regulatory process natin, for example, sa pag-regulate ng investigation ng bakuna and the possible early entry of a vaccine by the end of the year," ani FDA Director General Eric Domingo.

"Ang magiging limiting factor naman siguro is the production and distribution kasi buong mundo talaga ito ay naghihintay ng bakuna na ito," dagdag niya.

Pero para kay Zinsou, kasama sa mga iniisip ng pharmaceutical companies ngayon ay ang paggawa ng maraming bakuna na sasapat sa pangangailangan ng buong mundo.

Dahil nakita ng publiko kung gaano kagrabe ang sakit na bumabalot sa maraming bansa ngayon, umaasa si Zinsou na mas magiging kumbinsido ang marami na tangkilikin ang bakuna.

"We are confident that we will come up with a solution to produce as many," ani Zinsou.

Bukod sa Sanofi Pasteur, gumagawa na rin ng bakuna ang Moderna Inc., na sinabing may positive interim clinical data na ang mRNA-1273, ang vaccine candidate kontra sa COVID-19. -- Ulat nina Raphael Bosano at Robert Mano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.