PatrolPH

BSP: Wala pang babayaran ang mga umutang sa bangko habang may ECQ

ABS-CBN News

Posted at May 20 2020 08:33 PM

Watch more on iWantTFC

Rumaraket bilang taga-deliver ng kung ano-ano si John Tabas para lang kumita.

May isang kotse si Tabas na ipinasok sa Grab na inutang sa bangko.

Hindi pa naman siya sinisingil sa bangko ngayon pero may pakiusap na si Tabas.

"Dagdagan pa kami ng another 2 months prior sa buwan na binigay nila na isang buwan lang. Gusto namin mahabol 'yong mga panahon din na nawala sa amin kasi sobrang hirap ng pinagdadaanan namin," aniya.

Nasa parehong situwasyon din si Edwin Limin na inutang din sa bangko ang sasakyan na hindi naman nagagamit sa pasada ngayon.

"Talagang grabe, 'di ko masabi kung paano ko babayaran pagdating ng araw," ani Limin.

Paliwanag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), wala pang ano mang babayaran ang umutang sa bangko hanggang umiiral ang enhanced community quarantine (ECQ).

"Pagkatapos na ng ECQ at mayroon nang new payment, 'yong babayaran na lang is for that installment plus iyong 3 months interest kung gusto niyang isabay," ani BSP Managing Director Pia Roman-Tayag.

"Puwede niyang bayaran kaagad on the next due date or ang puwede niyang gawin... idi-divide niya kung gaano pa katagal ang loan."

Pero sa pakiusap na bigyan pa ng 2 buwan pagkatapos ng quarantine para magbayad ng bank loans, depende raw ito sa bangko pero hindi puwedeng ipilit.

"Baka payagan noong bangko so base sa behavior din niya. Ang maganda dito, dapat nakakabayad siya dati so makikita ng bangko talagang kung wala naman itong ECQ, good payment behavior naman itong kliyenteng ito," ani Tayag.

Pati mga bayarin sa credit card, hindi rin puwedeng parusahan ang mga hindi makababayad sa ngayon.

"Dapat hindi sila ma-penalize for not paying in the past due dates na bumagsak noong ECQ," ani Tayag.

Bawal ding patungan ang mga naipong interes sa bills ng March, April, at May.

Pero ang mga naisaling finance charge, tiniyak ng BSP na ibabalik din sa mga kostumer.-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.