2 suspek sa mga online scam, timbog sa Taguig, Paranaque

ABS-CBN News

Posted at May 20 2020 06:56 AM | Updated as of May 20 2020 07:00 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya sa Taguig at Paranaque nitong Martes ang 2 lalaking sangkot sa magkaibang kaso ng online scam.

Hinuli sa entrapment ng mga taga-Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police (PNP) ang 22 anyos na online seller na si alyas Marco dahil sa umano'y credit card fraud.

Ayon kay PNP-ACG director Brig. Gen. Dennis Agustin, ginamit ng suspek para mamili sa online shop ang impormasyon ng credit card ng isang babae na dating nakatransaksyon ng suspek.

Nakuha ng suspek ang mga detalye ng credit card nang bumili ang babae ng gadget sa isang chat group na pareho silang miyembro.

Nagpanggap na online delivery courier ang isang ACG agent para mahuli ang suspek.

Haharap siya sa patong-patong na kaso kasama ang estafa, paggamit ng pekeng pangalan, paggamit ng pekeng dokumento, at paglabag sa Access Devices Regulation Act of 1998.

Inaresto naman ang isang 29 anyos na negosyante na may mga reklamo sa Pilipinas at Singapore dahil sa pagkakasangkot nito sa cryptocurrency trading.

Natunton ng Pasay Police sa Paranaque si alyas Mel na may warrant mula sa isang korte sa Pasay na inilabas noon pang Marso.

Haharap siya sa paglilitis para sa kaso niyang estafa in relation to the Cybercrime Prevention Act of 2012.

Nagpaalala ang PNP na mag-ingat sa krimen at panloloko gamit ang Internet ngayong panahon ng quarantine kahit bumaba ang insidente ng tradisyunal na krimen sa bansa.

--May ulat nina Anjo Bagaoisan at Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.