Nasa 10 sasakyan, inararo ng kotseng tumakas sa traffic violation

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at May 20 2019 08:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Kinuyog at pinagbabato ng mga residente ang isang berdeng kotse habang nagmamadali itong makalabas sa pinasukang iskinita malapit sa J.P. Laurel Street sa Maynila.

Basag ang windshield at yupi-yupi ang likuran ng sedan may plakang UKE 459.

Sa pagmamadaling makatakas mula sa mga galit na mga residente, nabangga pa nito ang isang tricycle at isang van bago makarating sa Nagtahan Bridge.

Kwento ng mga residente, pinagtulungan nila ang sasakyan matapos nitong araruhin ang ilang mga sasakyan at motor na nakaparada sa eskinita nila.

"Hindi naman siya dapat babatuhin dapat, kung unang bangga niya ng sasakyan kung bumaba siya o humingi ng pasensya... kaso diretso siya hanggang nakabangga na siya ng tao," ani alyas "Lando."

Ayon sa mga pulis, tumakas umano ang naturang sasakyan matapos mahulihan ng paglabag sa batas trapiko sa bandang Recto bago ito nakarating sa naturang eskinita.

Tinatayang nasa sampung sasakyan ang inararo nito.

Sugatan rin ang nasa dalawang indibidwal matapos masagasaan ng sasakyan.

Matapos mang-araro ng mga sasakyan, iniwan ng drayber na lalaki ang sedan malapit sa Mabini Bridge sabay karipas ng takbo kasama ang isa pang kasamang lalaki.

Naiwan naman sasakyan ang isa pang sakay na babae na sumuko sa mga pulis.

Ayon kay alyas "Sonya" pupunta sana sila sa Sta. Mesa sa Maynila nang naganap ang engkwentro.

Kailan lang daw niya nakilala ang dalawang kasamang lalaki at nagulat din siya sa ginawa ng mga kasama.

Ayon kay Sonya, may business na buy and sell ang kasamahan lalaki pero duda dito ang mga pulis.

Natuklasan kasi nilang hindi tugma ang plaka ng sasakyan.

Nakuha rin kasi nila sa loob ng kotse ang isang cap ng pulis, isang plaka ng police mobile, at iba pang mga plaka.

Sa ngayon pinaghahanap pa ng mga pulis ang drayber ng sedan na kinilala pa lang sa pangalan na "Frankie."

Nahaharap sa patong patong na kaso ang drayber ng kotse.

Iniimbestigahan pa rin ng mga pulis si alyas Sonya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.