'Brand ng mga pekeng suka dapat pangalanan para sa kaligtasan ng konsumer'

Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Posted at May 20 2019 12:59 PM | Updated as of May 20 2019 06:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATED) Hinimok ng pinuno ng isang consumer group ang Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) na pangalanan ang mga brand ng suka na umano ay peke at hindi gawa sa mga natural na sangkap.

Ayon kay Laban Konsyumer president Vic Dimagiba, kailangang ilabas ng PNRI ang pangalan ng mga brand ng suka upang mabigyang babala ang mga mamimili na huwag nang tangkilikin ang mga produkto.

"Kailangan talaga, noong in-announce nila 'yong test results, sinama nila 'yong brands," sabi ni Dimagiba sa panayam ng radyo DZMM.

"Naglabas sila ng report eh. Dapat sinabayan nila, 'Mag-ingat kayo mga consumer, huwag niyong tangkilikin itong mga produktong ito,'" aniya.

Sa pag-aaral na isinagawa ng PNRI, isang ahensiya sa ilalim ng Department of Science and Technology, lumabas na nasa 80 porsiyento ng 360 sample ng sukang kanilang sinuri ay synthetic acetic acid at hindi gawa sa mga natural na sangkap.

8 sa 10 suka sa bansa 'peke,' maaaring gawa sa petrolyong sangkap: pag-aaral
(LINK: https://news.abs-cbn.com/news/05/11/19/8-sa-10-suka-sa-bansa-peke-maaaring-gawa-sa-petrolyong-sangkap-pag-aaral)

Maaaring pangalanan ang mga brand at pagpaliwanagin ang mga brand owner "kung bakit hindi dapat i-recall 'yong produkto nila" alinsunod sa Consumer Act of the Philippines, ayon kay Dimagiba, na dating Trade undersecretary.

Sinabi rin ni Dimagiba na ikinagulat niya ang dami ng brand na sinuri ng PNRI.

Kahit daw tingnan ang listahan ng suggested retail price ng Department of Trade and Industry (DTI) ay "walang ganoong karaming brands."

Tingin umano ni Dimagiba ay pati mga sukang binibili sa may mga highway ay kinuhanan ng sample at sinuri.

Layon ng pag-aaral ng PNRI na alamin kung plant-based o petroleum-based ang ginamit na mga sangkap sa suka.

Isinumite ng PNRI ang ulat sa DTI, Department of Health, Department of Agriculture, at Food and Drug Administration (FDA).

Sinabi ng FDA na iimbestigahan nito ang ulat sa pekeng suka.

Nakatakda ring magsagawa ang PNRI ng parehong pag-aaral sa mga brand ng ketchup, toyo, at patis.

--May ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.