Balik-bayad sa mga naapektuhan ng krisis sa tubig papatak sa June bill

ABS-CBN News

Posted at May 20 2019 07:21 PM | Updated as of May 20 2019 10:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Papatak sa water bill sa Hunyo ang rebate o balik-bayad ng Manila Water sa lahat ng mga kostumer nitong naapektuhan ng problema sa suplay ng tubig.

Bahagi ang rebate sa multa ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa Manila Water.

Lahat ng kostumer ay bawas ang unang 10 cubic meters na konsumo sa June billing na katumbas ng P150 milyon.

May rebate na P2,197.94 ang bawat isa sa 140,000 kostumer na "severely affected" o nakaranas ng walang tubig sa loob ng 7 araw.

"Alam po natin hindi ito sapat sa perwisyong nakuha ng ating consumers but at least sana, mapakita natin na may ginawa po tayo," ani MWSS Chief Regulator Patrick Ty.

Iginiit naman ni Manila Water spokesman Jeric Sevilla na susunod sila sa utos ng MWSS.

"Tayo ay mag-abide dito so hintayin na lang natin kung ano man 'yong final guidelines," ani Sevilla.

Sa P1.13 bilyon multa ng Manila Water, P600 milyon dito ay mapupunta sa mga proyektong hindi puwedeng singilin ng kompanya sa mga kostumer habang P534 milyon naman sa rebate.

Sa ngayon, higit 99 porsiyento ng Manila Water customers ang may suplay ng tubig pero mahina pa rin ang pressure.

Nagbabala rin ang MWSS-Regulatory Office na kapag hindi naibalik sa normal ang sitwasyon sa tubig pagdating ng Agosto ay madodoble ang financial penalty ng Manila Water.

Sa ilalim ng concession agreement, 180 days o 6 buwan ang binibigay sa Manila Water para ayusin ang problema.

Nakaranas noong Marso ng mahinang suplay hanggang sa tuluyang pagkawala ng tubig ang 1.2 milyong kabahayang sineserbisyuhan ng Manila Water sa silangang bahagi ng Metro Manila at sa Rizal province.

Umaasa din ang MWSS na dumalas ang mga pag-ulan sa Hunyo para madagdagan na rin ang tubig sa La Mesa Dam.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.