48 kilometro nilakbay para sa mga botanteng katutubo

ABS-CBN News

Posted at May 20 2019 08:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Noong Mayo 10 umalis mula Infanta sa Quezon province ang mga miyembro ng electoral board na kinabibilangan nina Rosemarie De Gracia at Junar Francia.

Pupunta sila sa liblib na Sitio Lagmak sa Barangay Pagsangahan sa bayan ng General Nakar para umalalay sa mga botanteng katutubo.

Hindi madali ang paglalakbay lalo at 48 kilometro ang layo ng lugar at 2 araw din ang lakaran.

"Kailangan naming mamahinga at talaga naman pong may kapaguran ding taglay," sabi ni De Gracia sa video na kaniyang kuha sa gitna ng paglalakbay.

Nagpahirap sa kanila ang bitbit na vote counting machines (VCM).

Nakarating ang grupo sa lugar sa bisperas ng halalan at umalis noong Mayo 15.

Pahirapan din ang pagbalik lalo at malakas ang agos sa ilog.

"Habang nagbabaybay po kami sa tabing-ilog ay nakita ko na napakahirap," sabi ni Francia sa panayam.

"Hirap na hirap ang mga katutubo, ma-save lamang kami at ang laman ng mga parapernalya ng pagpapaboto," dagdag niya.

Sa kabila ng dinanas na hirap at pagod, masaya ang 2 guro sa naging karanasan.

Sa kabundukan din ng Alabel sa Sarangani, 3 oras naglakad ang electoral board, mga pulis, sundalo, at poll watchers papunta sa Kiangcos Elementary School, na isa sa pinakamalayong polling precinct.

Kahit pahirapan sa pagtawid sa ilog, tulong-tulong sila para maihatid ang VCM sa mga gustong bumoto.

Pawang papuri naman ang natanggap ng mga nasabing electoral board member mula sa Commission on Elections.

--Ulat ni Val Balita, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

For updates on Halalan 2019 click here