2 lalaki timbog matapos ibenta ang ninakaw na motorsiklo sa may-ari

ABS-CBN News

Posted at May 20 2019 10:35 AM

MAYNILA- Huli ang 2 lalaki matapos tangkain ibenta ang ninakaw umano nilang motorsiklo sa mismong may-ari din nito.

Kuwento ng biktima na si Mark Monton, ninakaw ang kaniyang motorsiklo na nakaparada sa harap ng kaniyang bahay sa Rodriguez, Rizal noong ika-4 ng Mayo.

Nakita niya umano noong Sabado ang nawawalang motorsiklo sa isang Facebook page na ibinebenta sa halagang P38,000. 

Agad na nakipag-ugnayan si Monton sa nagbebenta at sinabing bibilhin niya ang nasabing motorsiklo.

Nagkita si Monton at ang 2 lalaki sa Taguig City kung saan nakumpirma ng biktima na iyon nga ang motorsiklo niyang ninakaw.

Agad na nagsumbong si Monton sa mga pulis at naaresto ang 2 lalaking may edad na 23 at 24.

Mahaharap sa kasong paglabag sa anti-carnapping law at anti-fencing law ang 2 suspek.

-ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.