1-M boto hinihintay bago ang proklamasyon ng mga senador

ABS-CBN News

Posted at May 20 2019 08:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Limang certificates of canvass (COC) ang hindi pa nabibilang ng Commission on Elections (Comelec), na umuupo bilang National Board of Canvassers (NBOC) para sa halalan ng mga senador at party-list groups.

Katumbas ng 5 COCs ang higit isang milyong boto na posible pang magpabago sa resulta ng halalan sa pagkasenador.

"A very significant number considering the margins that we're seeing among the senatorial candidates, which again means that we do have to wait for the completion," ani Comelec spokesperson James Jimenez.

Ang 5 COCs ay galing sa Isabela na may 1,050,681 boto, Japan na may 76,166 boto, Saudi Arabia na may 326,620 boto, United States na may 228,472 boto, at Nigeria na may 1,999 boto.

Inaasahang alas-7 ng gabi ngayong Lunes papasok ang COCs mula Isabela, ayon sa Comelec.

Nagsagawa ngayong Lunes ng special election ang Barangay Dicamay I sa bayan ng Jones, Isabela matapos sunugin ang ilang vote counting machine doon kasama ang mga markadong balota noong halalan.

Narito ang mga nasa top 14 ng senatorial race base sa huling partial, official tally o 162 sa 167 COCs:

1. Cynthia Villar - 24,757,642
2. Grace Poe - 21,563,558
3. Bong Go - 20,223,738
4. Pia Cayetano - 19,390,096
5. Bato dela Rosa - 18,639,583
6. Sonny Angara - 17,786740
7. Lito Lapid - 16,587,742
8. Imee Marcos - 15,362,702
9. Francis Tolentino - 15,196,397
10. Kiko Pimentel - 14,395,957
11. Bong Revilla - 14,279,625
12. Nancy Binay - 14,065,071
13. JV Ejercito - 13,983,153
14. Bam Aquino - 13,895,154

Pinaghahandaan na rin ng Comelec ang pagproklama sa mga nanalo sa Martes.

"At this point, it's a pretty sure bet that we're going to have a proclamation tomorrow," ani Jimenez.

Ilalatag ngayong gabi ng Lunes ang programa.

Sa kabila nito, iginiit ni Jimenez na hindi nila minamadali ang proklamasyon.

--Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

For updates on Halalan 2019 click here