Pamilya, sugatan nang mahulugan ng bato ang sinasakyang van

Marianne Claire Reyes, ABS-CBN News

Posted at May 20 2018 05:52 PM | Updated as of May 20 2018 05:53 PM

TUBA, Benguet -- Sugatan ang isang pamilya matapos mahulugan ng bato ang kanilang sinasakyang van sa Barangay Camp 3, Kennon Road sa bahagi ng Tuba, Benguet Linggo ng hapon.

Wasak ang harapan ng van na bumangga pa sa isang poste matapos mabagsakan ng bato na nanggaling sa bundok na katabi ng kalsada.

Ayon sa pulisya, malubha ang mga tinamong sugat ng drayber at pitong pasahero ng van, na pawang magkakamag-anak.

Galing Baguio ang pamilya at papunta sana sa Maynila. Isinugod sa Baguio General Hospital ang mga biktima.

Base sa imbestigasyon, aabot sa 1.5 metro ang circumference ng katawan ng bato na tumama sa van. Pagkatama ng bato sa van ay tumilapon naman ito papunta sa bangin.

Maswerte namang hindi nahulog sa bangin ang van at walang namatay sa mga biktima.

Ayon naman sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Benguet, iimbestigahan nila kung saan nanggaling ang bato at pag-aaralan din nila kung paano sosolusyunan ang problema para hindi na maulit ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.