2 sugatan sa atake ng buwaya sa Palawan

ABS-CBN News

Posted at May 20 2018 10:31 AM | Updated as of May 20 2018 11:46 AM

MANILA - Dalawa ang nasugatan matapos silang atakihin ng buwaya sa Balabac, Palawan Sabado ng hapon, ayon sa pulisya.

Inaayos umano ni Karik Buara, 15 anyos, ang kanilang bangka malapit sa dalampasigan ng Barangay Salang nang kagatin siya ng isang malaking buwaya.

Tinatayang nasa 15 talampakan ang haba ng buwaya.

Hinila si Karik sa tubig ng buwaya.

Narinig naman ng ina ni Karik ang pagsigaw nito ng saklolo at sinabihan ang ama ni Karik na si Rosmin para iligtas ito.

Nilangoy ni Rosmin ang buwaya at sinaksak ito sa mata kaya nabitawan nito si Karik.

Pero nasugatan din si Rosmin dahil sa ginawang pagsaklolo sa anak.

Dinala sa pagamutan ang mag-ama dahil sa mga sugat na natamo nila sa atake ng buwaya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.