Warehouse na may kemikal sa paggawa ng shabu, sinalakay sa Cagayan

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at May 20 2017 11:27 PM

Isang warehouse na may mga kasangkapan sa paggawa ng shabu at pampasabog ang sinalakay ng mga awtoridad sa Cagayan nitong Sabado.

Natagpuan ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Bureau of Customs at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa warehouse ang mga nasabing kemikal.

Ayon kay PDEA chief Gen. Isidro Lapena, sinalakay sa bisa ng search warrant ang warehouse sa loob ng Hua Xia Mining Corp. sa Tallungan Village, lungsod ng Aparri.

Nasabat sa operasyon ang 25 bote ng sulfuric acid, hydrochloric acid, acetic acid, perchloric acid at ammonium hydroxide.

Ang mga ito ay itinuturing na controlled essential chemical na ginagamit sa paggawa ng shabu at iba pang laboratory apparatus.

Labing-tatlong container din ng phosphoric acid, 5 bote ng nitric acid, 2 container ng bismuth nitrate oxide, 1 bote ng hydrogen phosphate ang nakumpiska. Ang mga ito ay gamit sa paggawa ng pampasabog.

Patuloy na pinaghahanap ang mga suspek na sina Lito Lim at Michael Tan na nagpapatakbo umano ng sinalakay na warehouse.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.