SAPUL SA CCTV: Lalaking nakitawag sa binatilyo, tinangay ang cellphone

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at May 20 2017 10:21 PM

BATAC, ILOCOS NORTE – Huli sa CCTV ang isang lalaking tinangay ang hiniram na cellphone sa isang computer shop dito.

CCTV footage courtesy of Noypi.com computer shop

Makikita sa CCTV footage ang isang lalaking kinilala ng pulisya na si Melody Malaqui na lumapit sa 17 anyos na binata at nakipag-usap upang manghiram ng cellphone para tumawag.

Makalipas ang ilang sandali, lumabas ng computer shop ang suspek hawak ang iPhone 6 ng binata.

Nagpanggap umano ito na tatawag sa labas ng computer shop ngunit hindi na bumalik.

"Sabi nung bata, pinatanggal pa daw sa kanya ang password ng cellphone,” ani SPO4 Reynaldo Mechor.

Ayon sa pulisya, may kasong "carnapping" sa lungsod ng Laoag at budol-budol sa bayan ng Sarrat ang suspek.

Ayon sa nagbabantay ng computer shop na si Mark Robin Polendeg, isang linggo nang naglalaro ang suspek dito.

Hindi raw niya akalain na magnanakaw ito dahil maamo ang mukha. 

“Parang mabait ta's pagporma niya parang mayaman. Naka-sapatos pa siya. Ang porma-porma pa niya, iyon pala magnanakaw,” ani Polendag.

Muli namang nagpaala ang pulisya na huwag makikipag-usap at basta-bastang magtitiwala sa kung sino-sino lang para maiwasan ang mga ganitong insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.