'Parang anak ko na rin': Transgender, tumatayong ina sa 5-taong gulang na bata

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at May 20 2017 03:03 PM

Si Asley "Shamcy” Cortez ay tumatayong ina sa 5-taong gulang na anak ng kaniyang live-in partner.

ILOCOS NORTE –Sa unang tingin, hindi aakalain na ang transgender na si Asley “Shamcy” Cortez ay isa na palang ina.

Tubong Tagudin sa Ilocos Sur ang 28-anyos na si Cortez na siyang tumayong ina sa 5-taong-gulang na si Eliza, anak ng live-in partner niyang si Jayson Galarpis.

Taong 2013 nang magkakilala sina Cortez at Galarpis sa isang bar sa Candon City. 

Nang inuwi ni Galarpis si Cortez sa kaniyang bahay, dito lamang nalaman at nakita ni Galarpis ang noong 5 buwan pa lamang na sanggol na si Eliza.

“Noong umuwi ako sa bahay nila, nakita ko yung bata at sinabi ko na ako na lang ang mag-aalaga pero baka magalit ang ina. Niyakap ako ni Jayson at sinabi niya na lumayas ang ina ng bata,” ani Cortez.

Bagama't hindi niya ito tunay na anak, itinuturing ni Cortez na sariling anak ang bata na tinatawag siyang "mama."

“Mahirap, puyat, magpupuyat ka, parang nanganak ka na rin. Nagsakripsyo ako dahil naawa ako sa bata,” ani Cortez.

Nagtatrabaho sa parlor si Cortez at construction worker naman si Galarpis sa Laoag. Tatlong taong mahigit na silang nagsasama at mayroon pang couple ring bilang tanda ng kanilang pagmamahalan.

Naninirahan sila ngayon sa bahay ng magulang ni Galarpis sa Laoag.

“Masarap at kakaiba siyang magmahal kesa sa tunay na babae,” ani Galarpis.

Kwento naman ni Cortez, minsan ay nagkakatampuhan din daw sila dahil nagseselos si Galarpis.

“Nagseselos siya, hindi ako babae pero feel ko na parang babae ako,” ani Cortez.

Malaki naman ang pagpapasalamat ni Galarpis kay Cortez na siyang tumatayong ina ng kaniyang anak.

"Mahal na mahal ko siya. Nagpapasalamat ako dahil siya nag-aalaga sa anak ko,” ani Galarpis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.