Pagbabawal sa rosaryo at abubot sa dashboard, windshield, binatikos

ABS-CBN News

Posted at May 20 2017 05:49 PM

Umani ng batikos ang pagbabawal ng mga awtoridad sa mga abubot sa mga dashboard ng sasakyan, kabilang na ang mga imahen ng santo at mga nakasabit na rosaryo. 

Alinsunod ito sa RA 10913 o ang Anti-Distracted Driving Act, kung saan pinagbabawalan ang paglalagay ng mga gadget, laruan at mga accessories sa ibabaw ng dashboard na makakasagabal sa "line of sight" ng driver. 

"Parang nanghihimasok na 'yan sa ating religious freedom," ayon kay Fr. Robert Reyes.

Binatikos din ng netizens sa social media ang bagong kautusan.

Isang linggo ang ibinigay sa mga driver ng pribado at pampublikong sasakyan para tanggalin ang mga abubot sa kanilang dashboards.

Sakaling mahuli sa paglabag, P5,000 ang multa at maaaring ma-impound ang sasakyan.

Ayon sa Land Transportation Office (LTO) at Land Transporation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), marami pang nakatakdang ipagbawal sa susunod na linggo tulad ng mga nakasabit na signboard sa mga PUV.

Pati ang pagkain o pag-inom ng kape habang nagmamaneho, at ang pagme-make up sa sasakyan, ay ipagbabawal na rin dahil kapareho na rin umano ito ng reckless driving, ayon sa LTFRB. 

Multa na P2,000 hanggang P10,000 ang parusa sa mga mahuhuling lalabag, at maaari ring masuspinde ang lisensya.

Opisyal na pahayag ng LTO sa ADDA, posibleng ilabas sa Lunes

Posibleng ilabas ng Land Transportation Office (LTO) ang official statement nito sa pagpapatupad ng Anti-Distracted Driving Act sa Lunes, Mayo 22 para maplantsa ang ilang kalituhan. 

Inihayag ito ni LTO Law Enforcement Service Director Francis Almora sa panayam ng DZMM,

Inayos na rin nila umano ang mga kalituhan kahapon sa kanilang pulong kasama ang iba pang ahensya ng gobyerno, gaya ng LTFRB, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Philippine National Police (PNP) Highway Patrol Group.

“’Yun nga po ang inayos kahapon at magkakaroon po ng official statement doon po sa pag-implement po nito. We hope na maayos po natin by Monday and immediately po ma-disseminate na po ‘yung official [statement] po,” paliwanag ni Almora.

Sa ngayon aniya ay LTO ang lead agency sa pagpapatupad ng nasabing batas at katuwang nila sa information dissemination ang LTFRB, MMDA AT PNP. -- May ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.