Mga pasahero ng PNR, nataranta sa gitna ng aberya

ABS-CBN News

Posted at May 20 2017 05:21 PM

Sumama ang pakiramdam ng 11 pasahero ng Philippine National Railways (PNR) matapos magkaroon ng aberya sa tren sa pagitan ng Nichols at FTI Terminal station sa Taguig City gabi ng Biyernes.

Nataranta ang daan-daang mga pasahero sa loob ng tren ng PNR nang biglang bumagal ito mula sa Nichols station papuntang FTI kagabi. Nag-wheel slip kasi ang tren, at hindi alam ng mga pasahero ang gagawin, kaya nagkatulakan at nagsiksikan. 

Nangyayari ang wheelslip kapag nahihirapang umahon ang tren dahil sa matarik na daanan at mabigat ang laman ng mga bagon. Dagdag pa rito ang nabasang riles ng tren dahil sa pag-ulan sa mga oras na iyon, ayon sa pamunuan ng PNR.

"'Yung iba, gusto nang pumunta sa bintana. 'Yung iba, winawasak ang pinto para makahinga. Nagpa-panic na lahat e," ani Marcjohn Camo, isa sa mga pasahero. 

Tumagal ng higit kumulang kalahating oras ang tren dahil sa aberya. Dahil sa siksikan, hindi na nakahinga nang maayos ang mga pasahero at hindi na naiwasang maliyo ang ilang pasahero. 

Sampung pasahero ang nakaranas ng matinding pagkahilo. Isa naman ang na-altapresyon. 

Isang pasahero naman ang tumawag sa Taguig Rescue team mag-a-alas-7 ng gabi ng Biyernes. 

Agad naman silang rumesponde at nagpadala ng dalawang ambulansya sa FTI station. 

"Pagdating ng FTI station, humingi kami ng tulong sa barangay. Nag-coordinate na rin kami at dinala namin sila sa ospital," sabi ni Joe Geronimo, ang OIC, General Manager ng PNR. 

Ayon kay officer dispatcher Ronald Fabros ng Taguig rescue, dalawang senior citizen ang sinugod sa Taguig, Pateros Hospital. 

Wala namang naiulat na nasaktan o nasugatan. Sinagot na rin ng PNR ang mga gastusin ng mga pasaherong dinala sa ospital. 

Humihingi ng paumanhin ang pamunuan ng PNR sa kanilang mga pasahero. Pakiusap naman ng mga pasahero, sana ay ayusin na ang ventilation system at iwasan na ang overloading sa tren ng PNR.

Kasalukuyang bumalik na sa normal ang operasyon ng PNR.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.