Bago ang pasukan: taas-presyo sa school supplies, pinahigpit na seguridad

ABS-CBN News

Posted at May 20 2017 04:10 PM | Updated as of May 20 2017 05:38 PM

Dalawang linggo bago ang pagbubukas ng klase, nagsimula na ang kaliwa't kanang preparasyon para sa pagbabalik-eskuwela. Kasabay nito ay ang pagtataas-presyo ng ilang school supplies. Naghahanda na rin ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para tiyaking maayos ang seguridad ng mga estudyante. 

Bahagyang tumaas ang presyo ng notebook, pad paper, krayola, lapis, at ballpen, ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Assistant Secretary Ernesto Perez. 

"Out of siguro mga 5 to 8 leading brands, sa notebook, mga lima lang ang nagtaas. Ang price change ranges from 4-10 percent sa notebooks. Sa pad paper, dalawang brands lang ang nagtaas. Sa crayons naman, tatlong brands ang nagtaas. Sa pencil, mga apat, lima ang nagtaas," ani Perez.

Bagama't may mga brand na bahagya nang nagtaas-presyo, mayroon din umanong hindi nagbago ng presyo ng kanilang mga produkto. 

Nagbanggit ng ilang brand ng notebook, pad paper, krayola, at ballpen si Asec. Perez sa kanyang panayam sa Konsyumer Atbp. ng DZMM. 

Wala pa naman umanong namomonitor na paggalaw sa presyo ng pambura, ruler, at pantasa. 

Bago pa man magtaas ng presyo, nagkaroon ng pagpupulong ang DTI kasama ang mga manufacturer ng school supplies noong Abril 20. Resulta ng pagpupulong na ito ang isang 2017 Price Guide, o gabay sa pamimili ng school supplies.

Nakalista sa gabay na ito ang mga brand ng school supplies at ang kanilang suggested retail price na mula sa manufacturers. Makikita ng mga mamimili ang gabay na ito sa website ng DTI, at ikakalat din ang posters nito sa buong bansa. 

Payo naman ng DTI sa mga mamimili: "Hindi lang po ang tingnan natin ang suggested retail price. Tingnan din po natin 'yung quality. Halimbawa, sa pad, sa notebook, tingnan po natin ang number of pages, tingnan po natin ang labelling, name ng manufacturer, brand, para kung magkaroon ng diperensya, madali po nating maite-trace kung sino 'yun. Maaari kasing 'yung iba nagbebenta ng mababa ang presyo pero wala namang brand, so wala po tayong hahabulin pag nagkaroon ng problema."

Samantala, naghahanda naman ang NCRPO upang masegurong ligtas ang mga estudyante sa Metro Manila sa darating na pagbubukas ng klase. Ayon kay NCRPO Director Oscar Albayalde, kasado na ang kanilang plano para maging maayos ang seguridad ng mga estudyante, kaya asahan na umano ang mga dagdag-pulis na roronda malapit sa mga eskuwelahan. 

"So far, sa ngayon po, everything is peaceful. Ito pong pasukan, I think magdadagdag tayo ng police assistance desk, lalo na 'yung malalaki and of course, magde-deploy tayo ng EOD K9 (bomb-sniffing dogs) natin doon sa mga schools, lalo na sa mga critical areas. Maiiwasan po 'yung mga tinatawag na bomb threat ngayon."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.