Away ng dalawang angkan, nauwi sa patayan

ABS-CBN News

Posted at May 20 2017 02:47 PM

Nagsimula ang alitan ng pamilya Navarro at pamilya Panaligan sa isang simpleng ‘di pagkakaunawaan.

Alas-kuwatro ng umaga noong Enero 18, 2016, patuloy sa pagvi-videoke at inuman ang pamilya Navarro. Pero ang kasiyahang ito, naging perwisyo para sa pamilya Panaligan na noo’y mahimbing na natutulog.

Kuwento ng isang saksi, dahil sa lakas ng ingay ay lumabas na ng bahay sina Agapito at Jhoana Panaligan.

“Ang ginawa ni Agapito, kumuha ng bato. Binato yung bahay [ng mga Navarro],” kuwento ng testigo na si ‘Alvin’. 

Lumabas si Henelyn Navarro at ang kinakasama nitong si Rex Bregais na may dalang tubo. Mabilis umano nitong inundayan ng palo si Agapito, pero ang asawa nitong si Jhoana ang tinamaan.

Lalong tumindi umano ang kaguluhan nang nakisali na rin ang ibang istambay sa lugar at pinagkaisahan si Rex. Natigil lang umano ang pag-aaway nang bumalik sa eksena si Henelyn na may dalang kutsilyo.

“Sinaksak niya si Agapito. Doon na ngayon nagpulasan [ang mga tao],” ani Alvin.

Mabilis na nakaresponde ang Manila Police District Station 2 sa crime scene para arestuhin sina Henelyn at Rex. Sinampahan ang dalawa ng kasong frustrated murder.

Naisugod man kaagad si Agapito, naging malubha ang kalagayan nito. Matapos ang anim na araw, binawian ng buhay si Agapito.

Dahil sa trahedyang sinapit ng pamilya Navarro, napalitan ang kanilang hinagpis ng matinding galit. Ang ama ni Henelyn na si Henry Navarro ang pinagbuntunan raw nila ng galit.

Ayon kay Alvin na kaanak ng mga Navarro, sumugod ang bayaw ni Agapito na si Federico Pedroza sa tahanan ng mga Navarro. 

“Pinagbantaan ang kapatid ko na ‘wag nang lalabas daw dahil papatayin nila si Henry,” sabi ni Alvin.

Naging mabigat man ang naging banta ni Federico, binalewala lang ito ni Henry. Noo’y walang kamalay-malay si Henry na seryoso ang pamilya Panaligan sa mga binitawan nilang salita.

Panoorin ang buong imbestigasyon sa kuwentong krimen na ito sa SOCO ngayong Sabado, Mayo 20, 4 ng hapon, pagkatapos ng Ipaglaban Mo! sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.