2 patay, kabilang ang 1 pulis sa buy-bust sa Maynila

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at May 20 2017 05:47 PM

Dalawa ang patay kabilang ang isang pulis matapos mauwi sa barilan ang ikinasang buy-bust operation sa Matanos Street, San Miguel sa Maynila Biyernes ng gabi.

Ayon kay Senior Supt. Olive Sagaysay, hepe ng Manila Police District Station 8, pasado alas-9 ng gabi nang pasukin ng mga pulis ang bahay ni Codeng Macabato alias "Berdugo."

Nanlaban umano si Macabato, kaya't napilitang gumanti ang mga pulis.

Napatay sa engkwentro si Macabato samantalang tinamaan naman ng bala sa dibdib si SPO1 Randy Lebrilla ng Station Drug Enforcement Team.

Isinugod pa sa Jose Reyes Memorial Medical Center si Lebrilla pero binawian din ito ng buhay.

Sugatan naman ang isa pang pulis na kinilalang si PO1 Mark Pineda na kasalukuyang inoobserbahan pa sa Mary Chiles General Hospital.

Hindi bababa sa 20 basyo ng bala at mga drug paraphernalia ang nakuha ng Scene of the Crime Operatives ng pulisya sa pinangyarihan ng krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.