MAYNILA — Ipinag-utos ng National Housing Authority (NHA) ngayong Biyernes ang agarang pag-relocate sa mga nakatira sa gilid ng Estero de Magdalena sa Recto, Maynila, kung saan 2 ang namatay dahil sa pagbagsak ng isang puno sa ilang bahay.
"They’re very cooperative, I think as soon as possible yun po ang instruction ko sa ating mga tao sa ground na i-relocate sila. In fact, nakita po natin dito may bahay pa po dito gusto ko po ma-relocate na po sila kasi baka may kasunod pa po ito ayaw naman po natin mangyari," sabi ni NHA General Manager Joeben Tai nang bumista sa lugar.
“This is a wake up call for us National Housing Authority na i-relocate po yung mga kababayan namin na naninirahan along the danger areas and waterways,” ani Tai.
Dagdag ni Tai, may mga nakahanda nang 700 pabahay sa Rizal at Cavite. Sa inisyal na datos, higit 40 bahay ang apektado ng pagbuwal ng puno ng balete sa Estero de Magdalena nitong Huwebes.
Iisa-isahin umano ng NHA at iba-validate ang mga nakatira sa estero at sisiguraduhin umano nila na hindi past awardee ng mga pabahay ang mga. Iniiwasan ng gobyerno na mabigyan ng bahay ang isang awardee at kalaunan ibebenta ito at babalik sa estero.
Umaasa ang NHA na maiwasan na ang ganitong insidente at mas maging responsable ang awadee na tirahan ang kanilang mga pabahay.
Isa sa namatay sa pagbuwal ng puno sa lugar ang 2-taong gulang na anak ni Jecalyn Villorijo. Nagpapagaling naman sa ospital ang kinakasama niyang si Jomar Portillo.
Kuwento niya, inakala nila noon na may naglalakad at nambabato ng kanilang bubong. Hindi nila inasahan na nabuwal na pala ang puno.
Bago tuluyang madaganan ng puno, sinubukan pa umano ni Portillo na buksan ang pinto pero nakaharang na ang kahoy. Nang mabuksan, dito na tuluyang gumuho ang bahay.
“Sakto po nasa hagdan pa lang po ako, sila nakababa na, di naman ako nakasunod sa kanila kasi yung ano po bumagsak talaga sa kanila kala ko naman nakatakbo sila sa dulo. Tapos ako nakakapit po ako sa kahoy sa terrace ng bahay namin tapos nadulas po paa ko kaya nahulog po ako sa ilog,” sabi ni Villorijo.
Dagdag ni Villorijo, agad namatay ang anak niya matapos mabagsakan ng kahoy sa ulo. Sugat naman sa ulo, dibdib at mga braso ang tinamo ng kaniyang kinakasama.
Nakatakdang iburol ang labi ng bata sa gilid ng estero.
Dahil sa nangyari, natatakot ang ilang residente na bumalik sa kanilang tirahan pero napapaisip din dahil nandito aniya ang kanilang trabaho at pinagkakitaan.
"Babalik pa rin kasi dito pangita namin, hanapbuhay namin” pahayag ni Aries Maysot.
“Hindi po namin siguro alam, di namin masagot sa ngayon yan kasi unang-una nandiyan po hanapbuhay namin, pangalawa natatakot din naman kami para sa kaligtasan din namin,” ayon naman kay Rubyjean Mejia.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.