PatrolPH

Dengue cases sa Kidapawan tumaas ng 1,066%; 2 patay

ABS-CBN News

Posted at May 19 2022 05:07 AM

Larawan mula Kidapawan City LGU
Larawan mula Kidapawan City LGU

Puspusan ang clean-up at fogging operations sa iba't ibang lugar sa Kidapawan City, Cotabato dahil sa tumataas na kaso ng dengue sa lungsod.

Batay sa tala ng City Epidemiology and Surveillance Unit, mula noong Enero 1 hanggang Mayo 13 ngayong taon, nakapagtala na ang lungsod ng 206 na kaso ng dengue. 

Katumbas ito sa 1,066% na pagtaas kumpara sa parehong mga buwan noong 2021 na mayroon lamang 18 na dengue cases. 

Dalawa na ang nasawi sa Kidapawan dahil sa dengue ngayong taon.

Limang mga barangay sa lungsod ang nakapagtala ng mataas na dengue cases na kinabibilangan ng Poblacion (54), Sudapin (26), Balindog (17), Amas (15), Lanao (15) habang ang iba pa ay nakapagtala na rin ng mula isa hanggang dalawang kaso.

Nanawagan si Kidapawan Mayor Joseph Evangelista sa bawat sektor at mamamayan na magtulungan at magkaisa sa pagsugpo sa dengue.

“Kailangan nating sugpuin ang dengue dahil mapanganib ito sa buhay ng tao at posibleng ikamatay pa kapag hindi naagapan,” ani Evangelista.

Napagkasunduan sa health cluster meeting na bukod sa free test para sa dengue patients ay may ilalaan ding financial assistance package ang LGU para sa mga maa-admit sa pagamutan.

Panawagan ng LGU sa mga nakakaranas ng sintomas ng dengue – tulad ng lagnat, pananakit ng katawan, at skin rashes – na agad na magpatingin sa doctor. – Ulat ni Hernel Tocmo

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.