PatrolPH

Pagbabakuna ng ika-2 booster sa health workers, seniors umarangkada na

ABS-CBN News

Posted at May 19 2022 02:55 PM

Tumanggap ng pangalawang COVID-19 vaccine booster shot ang mga health worker sa Valenzuela Medical Center, Mayo 19, 2022. Mark Demayo, ABS-CBN News
Tumanggap ng pangalawang COVID-19 vaccine booster shot ang mga health worker sa Valenzuela Medical Center, Mayo 19, 2022. Mark Demayo, ABS-CBN News

 
 
MAYNILA — Umarangkada ngayong Huwebes ang pagbabakuna ng ikalawang COVID-19 booster shots sa mga healthcare worker at senior citizen sa ilang ospital at local government unit sa Metro Manila. 

Nasa 23 senior citizens at 6 health workers na ang nakakuha ng ikalawang booster sa Mandaluyong City dakong alas-11 ng umaga. 

Isa sa mga buena mano rito si Romelyn Pillado, isang nurse sa city health office. Aniya, minabuti na niyang magpabakuna agad ng ikalawang booster dahil 5 buwan na rin mula sa kaniyang huling bakuna, at mas nababahala siya sa mas nakakahawang omicron subvariant na natukoy sa bansa kamakailan. 

Minsan na rin kasing nagka-COVID-19 si Pilado bago siya nabakunahan at nais niyang makaiwas sa malalang sintomas nito. 

Tumatanggap ng walk-ins ang lungsod kahit hindi taga-Mandaluyong basta't magdala ng valid ID na may patunay ng pagiging senior citizen o health worker, ayon kay city assistant vaccine coordinator Dr. Audren Wong. 

Plano rin nilang ibaba ang rollout ng second booster shot sa mga ospital at barangay health center. 

Watch more News on iWantTFC

Nagsimula na rin ang pagbabakuna sa mga nasabing sektor sa Valenzuela Medical Center. 

May higit 400 pang doses ng Pfizer vaccine ang ospital na puwedeng ibigay bilang ikalawang booster sa medical frontliners at seniors. 

Pero nasa higit 700 ang health workers ng ospital na tumanggap ng unang booster shot, kaya plano nitong manghingi ng dagdag na suplay ng bakuna. 

Aabot sa 200 ang kayang bakunahan ng VMC ngayong Huwebes, hanggang alas-3 ng hapon. 

Nitong Miyerkoles pinayagan ng Department of Health na mabakunahan ng ikalawang COVID-19 booster dose ang mga health worker na edad 18 pataas at senior citizen o mga edad 60 pataas. Nauna nang makatanggap ng naturang dagdag booster ang mga immunocompromised. 

Una nang iginiit ng DOH na ligtas ito. 

— Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.