PatrolPH

4 na bahay, nasunog sa Parañaque City

ABS-CBN News

Posted at May 19 2022 08:03 PM

MANILA — Apat na bahay ang nasunog sa Barangay Tambo, Parañaque City nitong Huwebes ng hapon.

Pasado alas-3 ng hapon napaulat na sumiklab ang sunog sa bandang Lopez De Leon Street. 

Idineklara itong under control ng Bureau of Fire Protection (BFP) Parañaque bandang 3:43 ng hapon.

Isa sa mga nasunugan ang residenteng si Ma. Emily Mateo. Sa bubong ng ikalawang palapag ng kanyang bahay unang namataan ang apoy.

Kwento niya, mga construction worker ang nakapansin sa usok mula sa bubong ng kanilang bahay.

Ayon kay Mateo, una niyang naamoy ang usok na tila may nagluluto lang daw ng sinaing at nagniningas ng papel.

"Nang umakyat ako, maliit pa yung apoy niya pero nausok na. Ginawa ko, nilabas ko lahat ng mga karton kasi ang laman ng kwarto na iyon mga karton ng alak dati," ani Mateo.

Naniniwala siyang nagsimula ang sunog sa aircon ng kanyang kapitbahay na malapit sa kanilang bubong.

“Sila ang may aircon. Araw-gabi bukas ang aircon, nakakapagtaka naman kung sa bahay ko nagsimula, walang ilaw ang itaas ko,” dagdag pa niya.

Wala pang pinapalabas na resulta ng imbestigasyon ang BFP Parañaque kung saan at ano ang dahilan ng sunog.

Wala rin namang nasaktan sa insidente.

Nagsagawa na rin ng assessment ang social welfare department ng lokal na pamahalaan ng Parañaque para matulungan ang mga nasunugan at mahanapan sila ng pansamantalang matutuluyan.

Tulong sa pagpapagawa ng bahay ang hiling ng mga nasunugan.

—Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.