Magsasaka timbog sa pagtatanim umano ng marijuana sa Benguet

ABS-CBN News

Posted at May 19 2021 05:36 AM | Updated as of May 19 2021 11:31 AM

Kuha ng PDEA Cordillera

Inaresto ng mga awtoridad ang isang magsasakang nagtatanim umano ng marijuana sa bayan ng Atok, Benguet noong Lunes. 

Ayon sa Cordillera Police Office, nagsagawa ng operasyon ang Philippine Drug Enforcement Agency Cordillera at Benguet Police sa taniman sa Sitio Colbong, Barangay Cattubo.

Sa kasagsagan ng operasyon, inabutan nila si Michael Bitabit, 61, habang inaasikaso umano ang mga pananim na marijuana. 

Abot sa 26 fully grown marijuana plants ang nakitang nakatanim sa bahagi ng bundok na taniman din ng repolyo ng suspek. Agad na binunot ang mga pananim na marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng P6,000. 

Nang galugarin pa ang lugar, natagpuan din ng mga awtoridad ang mga pinatutuyong marijuana stalks. May kabuuan itong timbang na 1 kilo at tinatayang nagkakahalaga ng P120,000. 

Noong May 12, inaresto din ng mga awtoridad ang isang marijuana cultivator sa Baguio. 

Sa isinagawang search operation sa bahay ni Donato Sajonas, nakumpiska ang ilang piraso ng fully grown marijuana plants na nakalagay sa mga paso. 

Nakumpiska rin ang ilang drug paraphernalia mula sa suspek na dating Bilibid inmate. 

Nasampahan na ang mga suspek ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. - Ulat ni Harris Julio

KAUGNAY NA BALITA

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.