Ika-2 dose ng Pfizer vaccine, itinabi na para sa mga nabakunahan sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at May 19 2021 08:11 AM

Mahaba ang pila ng mga Manileños na naghihintay na mabakunahan gamit ang Pfizer COVID-19 vaccine sa Manila Prince Hotel, San Marcelino Street sa Ermita, Manila nitong Martes. ABS-CBN News

MAYNILA—May nakalaan nang ika-2 dose ng Pfizer COVID-19 vaccine para sa mga nabakunahan sa Maynila nitong linggo, ayon sa isang opisyal nitong Miyerkoles.

Binigyan ng Department of Health ang lungsod ng 1,170 vials ng bakuna o 7,020 doses, ayon kay Manila City Health officer Dr. Arnold Pangan. 

Kalahati rito o 3,510 ay naubos na sa pagbabakuna ng A1 (health workers), A2 (senior citizens), at A3 (persons with comorbidities) nitong nakalipas na 3 araw, aniya. Mayroong pagitan ng 21 araw ang 2 dose ng Pfizer COVID-19 vaccine, dagdag niya.

"Kalahati po nito itinabi na po namin, 3,500 lang po ang ni-roll out namin para po sigurado na meron na silang 2nd dose," aniya sa panayam sa ABS-CBN Teleradyo.

Dinagsa nitong Martes ang huling araw ng pagbabakuna gamit ang Pfizer na 900 ng first dose na lamang ang natira, ayon kay Pangan.

"Kami po ay humihingi ng paumanhin sa kanila sapagkat limited lang po ang binigay sa amin," aniya.

"Nakikiusap po kami sa inyo na umantabay lamang . . . Kami po ay umaasa na bibigyan tayo ng DOH ng karadsgaang bakuna sa lalomg madaling panahon."

Nitong Martes, nakapagbakuna ang lungsod ng 16,200 residente, ang pinakamataas nitong bilang ng nabakunahan simula nang magsimula ang rollout noong Marso, ani Pangan.

"Kami po ay handa kahit gaano karami ang tao . . . Sana po patuloy kaming bigyan ng maraming allocation ng DOH at kami naman po sisiguraduhin namin ito po ay irorollout namin sa lalong madaling panahon," pahayag ng opisyal.

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.