PatrolPH

Halos 500 kilo ng ilegal na frozen meat products, nakumpiska sa Oriental Mindoro

ABS-CBN News

Posted at May 19 2021 11:28 PM

CALAPAN CITY, Oriental Mindoro -- Agad na ibinaon sa Calapan City, Oriental Mindoro ang mga nakumpiskang frozen at poultry products sa pantalan ng lalawigan ngayong araw ng Miyerkoles. 

Halos 500 kilo ito na nasabat ng pinagsamang pwersa ng Department of Agriculture- National Veterinary Quarantine Services (NVQS) at Provincial Veterinary Office.

Ayon sa mga awtoridad, walang kaukulang dokumento ang mga karne na nahuling sakay ng isang van. 

Paglabag ito sa Republic Act No. 10536 o "Meat Inspection Code of the Philippines". Nalabag din ang Republic Act No. 10611 o "Food Safety Act”.

Bukod dito, wala ring prangkisa ang van, kaya maaaring mapatawan ang transport operator ng P100,000 na multa o pagkakakulong. 

Ayon kay Provincial Veterinarian IV Dr. Alfredo Manglicmot, naghihigpit sila para maiwasan ang pagkalat ng sakit tulad ng African swine fever.

Mahigpit ang operasyon ng lokal na pamahalaan ng Oriental Mindoro laban sa mga iligal na gawain.

Nagpasasalamat naman ang Provincial Veterinary Office sa Calapan City LGU sa pag-alalay sa kanila sa pagbabaon ng nakumpiskang mga karne. 

- ulat ni Andrew Bernardo

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.