Unang COVID-19 testing lab itinayo sa pribadong ospital sa Quezon

April Magpantay, ABS-CBN News

Posted at May 19 2020 07:25 PM

LUCENA - Itinayo sa isang pribadong ospital sa Lucena City ang unang COVID-19 testing laboratory sa lalawigan ng Quezon.

Bagama't Quezon pa rin ang may pinakamababang bilang ng COVID-19 cases sa buong Calabarzon, aminado ang Integrated Provincial Health Office (IPHO) na hindi pa nito naaabot ang peak o rurok ng pagdami ng confirmed cases sa probinsya.

"According to WHO (World Health Organization), ang Quezon province po is considered po as the most vulnerable province kasi nga po hindi pa po kami nakaka-reach ng peak po. 'Yung ibang provinces po 'di ba nagtaasan, nagtaasan, we are expecting more confirmed cases," ani Dr. Grace Santiago, hepe ng IPHO-Quezon.

Kaya naman malaking tulong umano sa kanilang mass testing ang pagkakaroon ng COVID-19 bio safety laboratory sa Lucena.

Kahit itinayo sa pribadong ospital, malaki umano ang magiging ambag nito para mas mapabilis ang pagproseso nila ng swab test ng kanilang probable at suspect cases.

“Seventy percent will be coming from the Quezon province and 30 percent will be coming from Lucena City provided further na ipa-prioritize po rito ay 'yung subgroup class A and B, so ito po 'yung mga symptomatic na cases na suspect cases belonging to the severe and then the mild vulnerable group - whether po ito ay health care worker or non-health care worker," dagdag ni Santiago.

Nasa P8,000 ang kada test dito, pero dahil nasa gitna ng pandemya, libre ito sa ngayon.

“So wala pong bayad na kokolektahin among our patients but among the documents na nire-require po ng Lucena United Doctors Hospital when we submit our specimens there is 'yung tinatawag nating Philhealth claim form 2. But for non-Philhealth members or walang claim form 2 na maibibigay, this will be for free for now kasi po we're still operating under a crisis," ani Santiago.

Kaya umano ng isang RT-PCR (reverse transcription polymerase chain reaction) machine na makapagproseso ng nasa 48 hanggang 60 specimens kada araw, kaya hindi na kakailanganin pang ibiyahe sa Research Institute For Tropical Medicine o RITM sa Alabang ang mga specimen mula Quezon.

License to operate na lang ang hinihintay ng ospital para tuluyan nang makapag-serbisyo ang laboratoryo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.