MAYNILA — Sa gitna ng hirit ng ABS-CBN Corporation na temporary restraining order (TRO) laban sa cease and desist order ng National Telecommunications Commission (NTC), nagdesisyon ang Korte Suprema nitong Martes na bigyan muna ang telecoms body nang 10 araw para magkomento sa hirit ng media giant.
Unanimous o iisa ang boto ng mga mahistrado ng Supreme Court (SC) na bigyan ang NTC nang 10 araw para magkomento sa plea ng ABS-CBN na TRO, at 5 pang araw para naman sagutin ito muli ng ABS-CBN.
Nagdesisyon din ang SC justices na hingin ang komento ng House of Representatives at Senado, kung saan dinidinig ang mga franchise bills para sa ABS-CBN.
Maaalalang noong Lunes, naghain sa SC ng urgent motion ang ABS-CBN para agad maglabas ito ng TRO.
Katuwiran ng network, aabot sa P30 hanggang P35 milyon ang nalulugi ng kompanya sa bawat araw na wala ito sa ere, dahilan para malagay sa peligro ang hanapbuhay ng 11,000 manggagawa.
Noong Mayo 5 ay naghain ang NTC ng closure order laban sa ABS-CBN matapos mapaso ang prangkisa ng Kapamilya network.
Isang panukala naman na magbibigay ng "provisional franchise" para sa ABS-CBN ang tinatalakay ngayon sa Kamara.
—Mula sa ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, ABS-CBN, ABS-CBN franchise, prangkisa, TRO, supreme court, Korte Suprema, temporaty restraining order, TV PATROL