PatrolPH

QC councilor nais gawing 'new normal' ang pagbibisikleta sa lungsod

ABS-CBN News

Posted at May 19 2020 05:00 PM | Updated as of May 19 2020 07:56 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Mula Quezon Avenue, nagbisikleta patungong Kamias Road sa Quezon City ang karpinterong si Val Damis nitong Martes.

Ang kaniyang bisikleta, bukod sa luma ay wala nang preno. Kaya nitong Martes, isa si Damis sa mga pumila sa bike shop para ipaayos ang bisikleta na matagal na niyang hindi ginagamit.

Bukod kasi sa magagamit niya ito papasok sa trabaho, makabubuti pa ito sa kalusugan.

Katulad ni Damis, ilang taon din nakatengga ang bisikleta ni Michael Dangan, na nagtatrabaho sa City Hall ng Quezon City.

"Walang sasakyan kasi walang jeep papuntang trabaho kaya for the meantime pinaayos ko," ani Dangan.

Karamihan sa mga bike shop ngayon ay ubos na ang mga brand new na bisikleta.

Sa Quezon City, itinutulak ni konsehal Winnie Castelo na gawing "new normal" sa lungsod ang pagbibisikleta bilang alternatibong transportasyon para sa mga manggagawa. 

"The problem is maraming gusto magtrabaho pero hindi sila puwede sumakay ng mga public transportation because under the modified ECQ bawal po ang public transportation so puwede magtrabaho pero wala naman sasakyan," ani Castelo, councilor sa ikalawang distrito ng QC.

Dapat daw lagyan ng mga permanenteng bike lanes ang mga kalsada sa QC para ligtas ang pagbiyahe ng mga nagbibisikleta.

"Wala namang traffic ngayon eh so puwede na natin gamitin 'yung mga ordinary roads as bike lanes. Mag-dedicate lang ng isang lugar wherein the bikers can use that permanently," ani Castelo. 

Dagdag pa ni Castelo, dapat maglaan din ang mga opisina ng pahingahan at shower facilities para sa mga magbibisikleta papasok. 

—Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.