PatrolPH

'No vaccine, no classes': Pagkansela ng klase sa papasok na school year dahil sa COVID-19 hinimok

Jasmin Romero, ABS-CBN News

Posted at May 19 2020 07:51 PM | Updated as of May 19 2020 08:55 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Hinimok ng ilang grupo ang Department of Education na kanselahin na ang klase para sa susunod na school year imbis na ituloy ang klase sa Agosto 24, hangga't wala pa ring bakuna o kaya mass testing para matugunan ang krisis sa coronavirus. 

Ayon sa National Parents' Teachers' Association - Philippines, ito ay dahil dati nang sinabi ng mga eksperto na hindi umano matutugunan ang krisis sa COVID-19 hangga't walang bakuna rito. 

"Around 99 percent ayaw na mag-open ng class this August 24 kasi nga takot. No vaccine, no classes. ani Rodriguez. 

“Definitely I will not gamble the lives of my 7 children including myself, sending them physically to school,” ayon naman kay Ike Vega, President ng NPTA- Philippines Olongapo Zambales chapter. 

Pinayagan na ng Department of Education ang pagsasagawa ng "blended" o kaya "distant" learning methods para sa susunod na taon. 

Pero pangamba ng ilang magulang, mahihirapang makahabol ang mga estudyante o ilan. sa kanila sa pagsunod sa class procedure. 

"Di lahat ng mga magulang capable na magturo. There are parents na 'di makapagbasa,” ani Michael Malana, pangulo ng NPTA sa Metro Manila. 

Nag-usap na rin ang ilan na huwag na munang mag-enroll ngayong taon at sa halip, magsasagawa na lamang ng mga tutoring sessions para mahasa ang anak. 

"Nag-usap kami na di kami mag-e-enroll sa mga school… Ang gagawin ko ay bibili ng mga books at magpapa-tutor, wala namang problem," ani Jennifer Rosario, miyembro ng NPTA. 

Isa rin si Rosie Hosana na nagdesisyong huwag na munang pag-aralin ang mga anak sa paparating na school year. 

"Mahirap pong kalaban ang virus. Hindi po makita, at the same time," paliwanag ni Hosana. 

Sa kabila ng pangamba ng ilang magulang, unti-unti nang inaayos ng ilang public schools ang kanilang mga pasilidad, oras na magkaroon ng face-to-face classes. 

"Siguro mas malaki na ang aming pangangailangan sa alcohol, panghugas ng kamay and we will come up with more washing stations para ang mga bata kahit saang building makakapaghugas [sila] ng kamay," aini Edna Banaga, Principal ng San Francisco High School 

Para naman sa grupong Alliance of Concerned Teachers, hindi puwedeng magbukas ng klase hangga't wala pang mass testing na makakatingin kung may coronavirus ang mga estudyante, guro, o sino mang papasok sa eskuwelahan. 

"Kung may isang bata, isang teacher, isang kawani na nagkasakit sa COVID-19 dahil sa ganito, duguan ang kamay ng DepEd," ani Raymond Basilio, secretary general ng grupo. 

Pero sa congressional hearing sa Kamara, iginiit ng DepEd na kaligtasan pa rin ang pangunahing iniisip nila. Ang face-to-face classes, mananatiling suspendido at gagawin sa mga lugar na may clearance mula sa Department of Health. 

"Kung ipapatupad man ang face-to-face sa mga low-risk areas, ipapatupad ang physical distancing. Ang minimum na pag-hold ng classes ngayong darating na taon ay at the very least will be distance learning, may kasamang blended learning," ani DepEd Usec. Nepomuceno Malalauan. 

Sisiguruhin din nilang dadaan sa training ang mga guro at ipapatupad ang minimum health standards. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.