PatrolPH

'Nganga': Ilang negosyante umaaray sa tumal ng kita sa muling pagbubukas

Doris Bigornia, ABS-CBN News

Posted at May 19 2020 07:17 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Balik-operasyon na ang ilang maliliit na negosyo matapos maisailalim sa mas maluwag na quarantine ang buong bansa simula noong Sabado.

May natuwa at meron ding may hugot pa rin kahit na pinayagan nang magbukas ang kanilang negosyo.

Si Grace Sy na may auto supply shop sa Banawe, Quezon City, hindi nagtatalon sa tuwa dahil tila di na-inform ang kanilang barangay na puwede na silang magbukas.

"Iyung kabila pinayagan pero kami hindi kasi sabi ng Barangay namin hindi pa puwede bakit ganun?" aniya. 

Milyong piso aniya ang lugi ng kanilang negosyo mula nang ma-lockdown.

"Iisipin mo paano ang pagbabayad sa renta, siyempre ang mga tao mo kailangan mo ring alagaan," aniya.

Ganoon din ang sitwasyon ng iba pang mga auto supply shops at car repair. Hindi na nagbukas ang iba dahil talo rin daw sila at wala pa rin anilang pera ang mga tao na natigil din sa pagtatrabaho.

Meron din namang nakahinga nang bahagya. Kahit daw kasi kakaunti ang kostumer ay at least nakabalik na sila sa trabaho.

Samantala, bukas nang magdamag ang car wash ni Michael Esguerra pero nakasimangot ito dahil ubod ng tumal ang negosyo.

"Napakatumal. Nakakaanim pa lang kami anong oras na. Dati nasa 20 na yan," ani Esguerra. 

Ang ibang maliliit na negosyante, wait and see na lang daw muna bago sila magbukas muli.

Pag naglabasan na ang mga kostumer ay saka nila babalansehin muna kung may kikitain ba sila kapag nagbukas. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.