Health protocols sa eskuwelahan higpitan bago simulan ang klase sa Agosto 24: grupo

Jasmin Romero, ABS-CBN News

Posted at May 19 2020 01:55 PM

MAYNILA - Nananawagan ang isang grupo na magsagawa muna ng mga mahigpit na health safety protocols, partikular na ang pagsasagawa ng mass testing bago simulan ang pagpasok ng mga estudyante sa klase pagdating ng Agosto 24.

Babala ng Alliance of Concerned Teachers, maaaring malagay sa peligro ang mga estudyante at guro kapag nagpatuloy ang pagbubukas ng klase pagdating ng Agosto 24.

"Wala namang mawawala kung isang school year ang mawala sa atin kesa sa buhay ng mga bata. We cannot risk the health and safety of anyone. Kung ako po— kung may isang bata, isang teacher, isang kawani na nagkasakit sa COVID 19 dahil sa ganito, duguan ang kamay ng DepEd," ayon kay ACT Secretary General Raymond Basilio sa isang press conference, Martes.

Pangamba pa nila na kulang ang suplay ng tubig, ventilation, at manpower gaya ng mga nurse ang ilang eskuwelahan sa gitna ng krisis sa coronavirus.

Bukod sa mass testing, mungkahi ng ACT na magsagawa ng "komprehensibo" na medical at safety health measures para sa mga papasok sa eskuwela.

Dapat din anilang may sapat na suplay ng tubig at face masks sa mga clinic, magsagawa ng training para sa mga guro, at protektahan ang mga guro sa gitna ng krisis.

Una nang hinimok ng Department of Education ang mga paaralan na magsagawa ng "blended learning" system kung saan magsasagawa ng online o kaya physical classes ang mga guro, depende sa kakayahan ng mga estudyante.

Maaari na rin anilang gawin ang face-to-face na klase sa ilang lugar na ligtas na, kung tingin ng Department of Health na ligtas nang magsagawa ng klase rito.

Pero ayon sa grupo, hindi pa rin sapat ang mga inilatag na learning measures.

Pangamba ni Quezon City Public School Teachers Association President Kris Navales, maaaring malagay sa panganib ang mga guro dahil kinakailangan nilang pumunta sa mga barangay at sa mga bahay ng mga estudyante para i-deliver ang mga learning modules na kailangan.

"Dun sa pagpunta sa community ano ang katiyakan ng kaligtasan namin? Kayang kaya namin gawin 'yan, nagbabahay bahay kami.. ginagawa namin yan nung walang covid. Paano kung nagkasakit kami, sino gagastos? Paano kung Nagkasakit ang bata sisisihin ba kami ng mga guro kasi under our care sila?" ayon kay Navales, na miyembro rin ng ACT.

Hinimok din ng ACT ang DepEd na makipagkonsulta sa mga stakeholder gaya ng mga guro para sa mas maayos na pagtugon sa paparating na school year.