PatrolPH

DOH: Expanded, targeted testing ang ginagawa ng pamahalaan

ABS-CBN News

Posted at May 19 2020 07:56 PM | Updated as of May 19 2020 08:54 PM

Watch more on iWantTFC

Nangangamba ang ilang opisyal ng Barangay 365 sa Maynila matapos magpositibo kamakailan ang tindero sa isang bahagi ng palengke sa kanilang komunidad.

Bago kasi nalaman ang kalagayan ng tindero, may mga nakasalamuha pa itong ibang tao sa barangay.

"Wala siyang symptoms, asymptomatic talaga siya. Nagpa-check up siya kasi may maintenance eh, tapos na-swab test siya, doon nalaman," ani Ana Rona Ferrer, isang health worker sa barangay.

Sa ngayon, nadala na sa ospital ang tindero habang naka-isolate naman ang kaniyang pamilya. Nilinaw ng Department of Health na hindi mass testing kundi expanded at targeted testing ang ginagawa ng pamahalaan.

Dahil posibleng naikalat ng tindero sa mga bagay ang virus, binarikadahan ang kaniyang puwesto. Hindi na rin puwedeng magtinda ang kaniyang mga katabi at tuloy-tuloy ang pag-disinfect sa lugar.

Naniniwala ang kagawad na si Rodolfo Millar na hindi lang ang tindero ang posibleng may virus sa lugar.

"Sa dami po na nagpupuntang tao dito, dami po na galing sa bang lugar, hindi po malayo na mayroon pong asymptomatic," ani Millar.

"Personal ko pong opinion ito bilang kagawad, mas gusto ko na mass testing para po malaman natin, ma-segregate kung mayroon po bang asymptomatic na kabarangay," ani Millar.

Ayon kay Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire, dapat mabago ng publiko ang pananaw sa konsepto ng mass testing. 

Magkaiba raw ang mass testing sa tinatawag na expanded at target testing, na ginagawa ngayon ng pamahalaan.

"Mayroon tayong programa for expanded testing. Dati pa nilabas Kaya sabi expanded, kasi noon nag-umpisa tayo... but later on because of expanded, naisama pati may exposure, even asymptomatics are being tested now but with exposure," paliwanag ni Vergeire.

Ayon naman sa doktor ng Lung Center of the Philippines, hindi rin magiging epektibo ang mass testing.

"My personal opinion, it's not good money being used. Meaning to say, if you do mass testing and yet you cannot isolate... then the result of your mass testing even if it's negative, it can be positive the next day," anang doktor na si Tony Ramos.

Ayon pa kay Ramos, ang numerong nakikita ng publiko sa report ng Department of Health ay hindi talaga naipapakita ang estado ng pakikipaglaban ng komunidad para maiwasan ang pagkalat ng virus.

Nitong Martes, umakyat sa 12,942 ang bilang ng mga positibong kaso ng COVID-19 sa bansa, kung saan 2,843 ang gumaling habang 837 ang nasawi.

Ang pinakamahalagang papel ngayon ng publiko, kung hindi man talaga maiwasan ang paglabas, ay ang istriktong pagsunod sa minimum health standards. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.