3 pulis na nahulihan ng alak sa checkpoint, kinasuhan na

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at May 19 2020 05:58 PM

Lumarga na ang pagsasampa ng kaso sa tatlong pulis na nahuling nagpupuslit ng mga kahon ng alak sa control checkpoint noong panahon ng enhanced community quarantine sa Western Visayas. PNP Regional Office 6

CAMP MARTIN DELGADO, Iloilo City - Kinasuhan na ng criminal charges at paglabag sa Bayanihan law ang tatlong pulis na nahulihan ng mga karton ng alak sa magkakahiwalay na quarantine control checkpoints sa Western Visayas.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Regional Office 6 acting spokesperson Police Lt. Col. Gilbert Gorero, nasampahan na ng kasong kriminal sina Police Staff Sgts. Roy Panaguiton at Paul Pinggoy, at Police Cpl. Arnie Luminario.

"We condemn their wrongdoing and Police Regional Office 6 (PRO-6) does not tolerate this act by our uniformed personnel," pahayag ni Gorero.

Na-relieve at nailipat na rin sa PNP Regional Personnel Holding and Accounting Unit 6 ang tatlong pulis habang naghihintay sa pagsisimula ng summary hearing sa isasampang kasong administratibo laban sa kanila.

Mismong si PRO-6 Regional Director Police Brig. Gen. Rene Pamuspusan ang nagpursige na masampahan ng kasong kriminal at administratibo ang kaniyang mga tauhan.

Hinangaan ang katapatan ng mga pulis na nakahuli sa mga kabaro nila sa tatlong magkakahiwalay na checkpoints habang ipinapatupad pa ang enhanced community quarantine.

"We are not tolerating any erring police officers or men in uniform and this would be a clear basis to all of us that our regional director is very serious in the conduct of internal cleansing of our organization," dagdag ni Gorero.

Pinaalalahanan naman ng pulisya ang mga unit commanders at chief of police na mananagot din kapag maulit pa ang insidente tulad ng kalokohan ginawa ng tatlong pulis.

Mananagot din ang hepe o kumander ng isang pulis na mahuling lumabag sa liquor ban.

Kabilang ang tatlong pulis sa 29 na liquor ban violators sa buong Western Visayas habang ipinatutupad ang ECQ.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.