Bahagi ng Glorietta nasunog

ABS-CBN News

Posted at May 19 2019 06:55 PM | Updated as of May 19 2019 11:02 PM

Pinalabas ang mga tao sa Glorietta sa Makati City matapos maiulat ang insidente ng sunog sa loob ng gusali ng mall. Retrato mula sa Bayan Mo iPatrol Mo

MAYNILA -- (3rd UPDATE) Nasunog ngayong gabi ng Linggo ang isang bahagi ng Glorietta mall sa Makati City.

Nagsimula ang sunog sa isang milk tea shop sa ground floor ng Glorietta 2 bandang alas-6:20, ayon kay Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati police.

Idineklara naman itong fire out alas-6:31 ng gabi, ani Simon.

Itinaas ng Bureau of Fire Protection sa unang alarma ang sunog.

Usok sa isang bahagi ng Glorietta sa Makati City. Retrato mula sa Bayan Mo iPatrol Mo

Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog.

Sugatan ang isang welder na kinilalang si Raymund Tacderan, 37 anyos. Ayon sa pulisya, nagtamo ng minor burn sa kanang bahagi ng baywang si Tacderan na agad din namang nalapatan ng paunang lunas.

Sa isang pahayag, sinabi ng pamunuan ng Glorietta na matapos sumiklab ang sunog ay agad nilang ipinalikas palabas ng mall ang mga kostumer at mga empleyado.

 

"The mall immediately assisted customers and mall employees to evacuate the immediate area," anang pamunuan ng mall.

Kasunod ng pagdeklara ng fire out ay agad din daw pinayagan ang mga kostumer at empleyado na makapasok ulit sa mall.

-- May ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.