Mahigit P4-M halaga ng hinihinalang shabu, nasamsam ng PDEA

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at May 19 2019 11:06 PM

MAYNILA -- Aabot sa P4.7 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Maharlika sa Taguig City.

Nasamsam ang ilegal na droga na itinago sa lagayan ng tsaa mula sa tatlong babae na agad inaresto ng mga operatiba.

Ayon kay PDEA Director Levi Ortiz, nakipagtransaksyon ang impormante ng PDEA sa isang alyas "Stoleen Dimapuro" upang kunyari ay bumili ng P1.2 milyong halaga ng shabu.

Ngunit imbis na si Dimapuro ang makipagkita sa pinagkasunduang lugar, ang tatlong babae ang humarap sa impormante.

Nang magkapalitan ng pera, agad inaresto ang tatlo at nakuhanan ng nasa 700 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ito ng P4.7 milyon.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek habang patuloy na pinaghahanap si Dimapuro.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.