Dagdag-bayad sa mga gurong nagsilbi matapos ang halalan inihirit

ABS-CBN News

Posted at May 19 2019 06:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hiningi ng isang grupo ng mga guro sa Commission on Elections (Comelec) na bigyan ng dagdag-bayad ang mga guro na patuloy na nagsilbi kahit tapos na ang halalan.

Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), may 10,000 guro sa iba-ibang bahagi ng bansa ang nagsilbi lagpas sa araw ng halalan, lalo sa mga lugar na nagkaroon ng aberya.

"Ang nilagdaan po nating mga teachers sa paglilingkod sa halalan na ito ay May 13 lang po at lagpas na po tayo, 5 days after the elections, patuloy pa ring naglilingkod ang ating teachers," ani ACT secretary general Raymond Basilio.

Bukas naman ang Comelec sa panawagang dagdag-bayad para sa mga guro.

"Ang ating Commission en banc ay masusing pag-aaralan ang kanilang hiling na dagdag-honorarium at hopefully within the week ay mayroon na tayong sagot para sa kanila," sabi ni Comelec deputy spokesperson Frances Arabe.

Kinilala naman ng Department of Education ang naging ambag ng mga gurong nagsilbi sa halalan.

Sa isang pahayag, pinasalamatan din sila ni Education Secretary Leonor Briones.

--Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.

For updates on Halalan 2019 click here