POEA babalangkas ng bagong 'deployment guidelines' sa mga nais mag-Kuwait

ABS-CBN News

Posted at May 19 2018 10:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inatasan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na gumawa ng guidelines para sa pagpapadala ng household service workers (HSWs) sa Kuwait.

Inaasahan na kasi ang pagdagsa ng mga aplikante na gustong pumunta sa naturang Gulf State upang makapagtrabaho.

Ito ay kaugnay sa pagtanggal ni Pangulong Rodrigo Duterte ng total deployment ban sa mga nais maging overseas Filipino worker (OFW) doon.

Kasama sa bubuuing guidelines ay kung papaano ipo-proseso ang mga dokumento ng mga aplikante. 

Ayon sa Philippine Association of Agencies for Kuwait (PHILAAK), mas mapo-proteksyunan na ngayon ang mga OFW dahil sa Memorandum of Understanding ng Pilipinas at Kuwait.

"Nakakatanggap na kami ng tawag mga walk-in...Mahalagang market ang Kuwait at saka matagal na kami nagpapadala roon," ani PHILAAK president Lucy Sermonya.

Naglabas din ang Ministry of Interior ng Kuwait ng mga bilin na kailangang sundin ng mga employer.

Kabilang sa mga responsibilidad ng mga employer ay ang pagbubukas ng personal back account para sa kanilang mga manggagawa.

Dito idadaan ang suweldo ng mga OFW na maaaring i-remit sa Pilipinas.

Dapat ding bigyan ng mga employer sa Kuwait ang kanilang mga trabahador ng day off kada linggo.

Hindi rin dapat kunin ng mga employer ang pasaporte ng kanilang empleyado at hindi rin dapat pagtrabahuhin nang mas matagal sa napagkasunduan sa kontrata.

Maghihigpit na raw ang POEA sa pagmo-monitor ng mga recruitment agency na obligadong magsagawa ng training sa mga HSWs.

Ito ay para ihanda sila sa kultura at kaugalian ng bansang pupuntahan nila.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.