PatrolPH

Residential area nasunog sa Barangay San Antonio sa Parañaque

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at May 18 2023 07:26 PM | Updated as of May 18 2023 09:37 PM

EPA-EFE
Kuha ng paghingi ng saklolo ng mga residenteng naapektuhan ng sunog sa Parañaque City nitong Huwebes. Francis R. Malasig, EPA-EFE

(UPDATED) Tinupok ng malaking apoy ang isang residential area sa Barangay San Antonio sa Parañaque City nitong Huwebes ng hapon.

Sa tala ng Bureau of Fire Protection Command Post, nagsimula ang sunog sa bago mag-alas-1 ng hapon at mabilis itong kumalat sa mga bahay na karamihan ay gawa umano sa light materials. 

Ang mga nasunugan, pilit na isinasalba ang mga gamit na puwede pa nilang pakinabangan lalo’t karamihan sa kanila ay walang natirang gamit.

“Pangkain namin kuya, nasunugan kami - walang natira eh lahat ubos,” sabi ni Aries Cinco.

Watch more News on iWantTFC

Ang ilan naman sa mga nasunugan, walang mapuwestuhan sa ngayon kaya sa gilid ng center island muna nananatili.

Si Felix Gante, ang suot lang niyang damit ang meron siya ngayon.

“Wala- wala…lahat gamit ko…tv ko apat , videoke sunog, pera ko ubos wala na. Wala kaming matulugan, wala kaming masaingan” kuwento ni Gante.

Ayon sa residenteng si Dodong Abrenica, paulit-ulit na silang nasusunugan.

“Nalaman namin, may sumigaw na sunog - anlaki na ng usok kanya-kanya na kami ng kuha ng aming mga gamit. Pangatlong sunog po ito sa amin sa lugar na ito,” sabi ni Abrenica.

Ayon kay FSInsp. Ernerto Wanawan Jr., Chief Operation ng BFP-Paranaque, nahirapan sila sa pagresponde dahil sa masikip na daan.
 
"Doon kami nahirapan dahil yung entry ng sasakyan from Las Pinas at galing sa Baclaran areh eh naharangan ng private vehicles. Nahirapan kasi nga aside from made of light materials yun, masikip yung daan buti na lang kami yung hangin napunta sa isang direksyon which is yung vacant lot na kung pumunta sa side ng main road naku aabutin tayo ng siyam-siyam don kasi kasi madaming madadamas na residential properties,” ayon kay Wanawan.
 
Dagdag pa niya, aabot sa 300 pamilya ang apektado ng sunog at tinatayang aabot sa P750,000 ang halaga ng pinsala. Wala namang naitalang nasaktan o nasawi sa sunog.

Sugatan rin ang ilang fire volunteer na kasama sa mga reresponde sana sa sunog sa Paranaque City.
 
May iniwasan umanong ang driver ng fire truck kaya ito tumagilid dahilan para tumilapon ang mga sakay na bumbero.
 
“Hindi naman natin inaasahan, nadisgrasya yung driver at yung siyam na pasahero niya - fire volunteers. Tumatakbo yung sasakyan papunta sa fire scene, nagkaroon po ng kasalubong na motorsiklo hindi natantiya yung pagmamaneho niya kaya tumaob siya kaya damay yung nakamotor,” sabi ni Wanawan.

Kinumpirama rin ng BFP na hindi ito ang unang beses na nasunog ang naturang compound dahil una na rin itong nasunog noong 2011 na umabot pa sa Task Force Alpha.
 
Umabot sa ika-apat na alarma ang sunog bago idineklarang fireout 7:35 ng gabi.

Muli ding nag-paalala ang BFP sa publiko na doblehin ang pag-iingat lalo na ngayong panahon ng tag-init para maiwasan ang sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.