PatrolPH

Pagsasawalang-bisa ng Mandaluyong 'riding-in-tandem' ordinance, pinagtibay

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at May 18 2023 05:19 PM

Motorcycle riders sa EDSA, Pebrero 24, 2022. George Calvelo, ABS-CBN News/File
Motorcycle riders sa EDSA, Pebrero 24, 2022. George Calvelo, ABS-CBN News/File

MAYNILA — Pinagtibay ng Court of Appeals (CA) ang nauna nitong desisyon na labag sa batas ang "riding-in-tandem" ordinance ng Mandaluyong City.

Sa anim na pahinang desisyon ni CA Associate Justice Reynold Lauigan, sinabi ng appellate court na pawang rehash o walang bago sa inihaing motion for reconsideration ng Mandaluyong local government.

"After a careful evaluation of respondent-appellee's Motion for Reconsideration, the same shows that the grounds raised therein are mere rehash of matters already considered and passed upon by this Court," ayon kay Lauigan.

Sumang-ayon dito sina Asscoiate Justice Ramon Bato Jr. at Associate Justice Pablito Perez.

"Jurisprudence provides that when issues raised are mere rehash on the issues already considered and resolved, they should not be dwelt upon anymore since there is failure to raise any new or substantial legitimate ground or reason to justify the reconsideration sought," ayon sa resolusyon.

Noong 2021 unang naglabas ng desisyon ang Court of Appeals na labag sa batas ang ordinansa na nagbabawal sa pag-angkas sa motorsiklo ng kapwa lalaki.

Pinapayagan lang na umangkas ang asawa, babae, kamag-anak na lalaki, at batang may edad na pito hanggang 10 taong gulang.

Exempted sa ordinansa ang mga miyembro ng Philippine National Police Tactical at Mobile Unit sa naka-assign sa Mandaluyong.

Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng Angkas rider at abogadong si Dino De Leon matapos mahuli at pagmultahin noong March 2019 sa Mandaluyong.

Unang ibinasura ng Mandaluyong City Regional Trial Court ang inihaing kaso ni De Leon ngunit binaligtad ng CA ang desisyon noong 2021.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.