PatrolPH

Lalaki patay nang barilin ng dating kalaguyo ng misis sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at May 18 2022 01:39 PM

Patay ang isang 44 anyos na lalaki matapos barilin ng dating kalaguyo ng kaniyang misis sa Pototan, Iloilo, gabi ng Martes, ayon sa pulisya.

Base sa imbestigasyon ng Pototan police, nanonood ng telebisyon ang biktimang magsasaka kasama ang kaniyang 13 anyos na anak sa kanilang bahay sa Barangay Dawis nang biglang tumahol ang kanilang alagang aso.

Nang silipin ng biktima ang pintuan, saka umano ito binaril ng suspek.

Mabilis tumakas ang suspek matapos ang krimen.

Dinala ng mga awtoridad ang biktima sa ospital pero idineklara itong dead on arrival dahil sa tama ng bala sa leeg.

Patuloy ang ginagawang hot pursuit operation ng Pototan police sa suspek.

Nabatid ng mga awtoridad na noong 2019, minartilyo ng biktima ang suspek matapos matuklasan ang relasyon nito sa kaniyang asawa.

Nagkaayos umano noon ang suspek at biktima matapos na i-areglo sa kanilang barangay ang insidente.

— Ulat ni Rolen Escaniel

FROM THE ARCHIVES

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.