PatrolPH

Kagawad patay, 15 sugatan sa bangaan sa Ilocos Sur

ABS-CBN News

Posted at May 18 2022 12:47 AM

Kuha ng PNP Santiago, Ilocos Sur
Kuha ng PNP Santiago, Ilocos Sur

Patay ang isang 69-anyos na barangay kagawad habang nasugatan ang 9 niyang kasama sa isang banggaan sa bayan ng Santiago, Ilocos Sur, Martes ng hapon.

Basa sa imbestigasyon, nakasakay ang biktima kasama ang 9 pa nitong kapwa opisyal ng barangay ng Sabuanan sa bayan ng Sta. Lucia sa nasabi ring lalawigan nang mangyari ang aksidente sa Barangay Dan-ar.

Ayon sa hepe ng Santiago Police na si Pol. Lt. Godofredo Ribuyaco, may inunahang motorsiklo ang van hanggang sa mabangga nito ang kasalubong na mini-bus. 

"Nasa blind curve sila na portion. Allegedly ay nag-overtake itong van, may inunahan itong motorsiklo, so nag-overshoot ito at umagaw ng linya ng mini-bus. So nag-engage sila ng head on collision," ani Ribuyaco. 

Sa lakas ng bangga, napuruhan sa ulo ang nasawi habang ang mga kasama niya ay nasugatan sa iba't-ibang bahagi ng kanilang katawan. 

Sa 10 sakay ng mini-bus, anim ang sugatan. 

Galing umano ang mga opisyal ng barangay sa Vigan City para ibigay ang isang imbitasyon bilang bahagi ng paghahanda ng pista ng kanilang barangay. 

Wala pang pag-uusap ang magkabilang panig na sangkot sa aksidente.—Ulat ni Grace Alba

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.