Tumatanggap ng COVID-19 booster shot ang isang senior citizen sa Filoil San Juan Arena sa San Juan City noong Disyembre 3, 2021. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File
Puwede nang tumanggap ng pangalawang booster dose kontra COVID-19 ang mga health worker at senior citizen, sabi ngayong Miyerkoles ng Department of Health (DOH).
Ang mga bakunang gawa ng Pfizer at Moderna ang gagamitin bilang ikalawang booster, na ituturok 4 buwan matapos tanggapin ang unang booster shot, sabi sa pahayag ng DOH.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang ikalawang booster ay makapagbibigay ng dagdag na proteksiyon laban sa mga variant ng COVID-19, kasama ang bagong BA.2.12.1 sublineage ng omicron.
"The second booster for our health workers and senior citizens will enhance protection given by the first booster and the primary series against all variants, including the recent Omicron subvariant BA.2.12.1," ani Vergeire.
"Everyone eligible can get the second booster jab done at the [local government unit] vaccination sites nearest you. They are safe, effective, and free of charge," dagdag niya.
Epektibo agad ang utos na pagbibigay ng ikalawang dose sa naturang mga grupo.
Nagpaalala naman ang DOH na kung magpapaturok, dalhin ang vaccination card na nagpapakita kung kailan ang unang booster dose at isang government ID.
Bago nito, mga immunocompromised lang ang pinayagan ng pamahalaan na tumanggap ng ikalawang booster dose.
Sa huling tala, umabot na sa 68 milyon ang itinuturing na fully vaccinated laban sa COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na iyon, 13.6 milyon naman ang tumanggap ng booster shots.
— May ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Covid-19, coronavirus, bakuna, TV Patrol, TV Patrol Top