PatrolPH

Resort workers sa Calamba umapelang payagan nang mag-operate ulit

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at May 18 2021 04:17 PM | Updated as of May 18 2021 09:31 PM

Resort workers sa Calamba umapelang payagan nang mag-operate ulit 1
Nagpaskil ng mga panawagan ang mga resort worker sa Calamba City, Laguna para makapagbukas na ulit sila. Dennis Datu, ABS-CBN News

Umapela ang mga manggagawa sa Barangay Pansol sa Calamba, Laguna na payagan na ulit makapag-operate ang mga pinagtatrabahuhan nilang resort dahil gutom na umano ang inaabot nila.

Watch more on iWantTFC

"Talagang sagad na po talaga, wala na po talaga pagkakitaan... talagang wala nang makain ang pamilya," sabi ni Caiso Roca, vice president ng samahan ng mga pool agent sa Pansol.

"Hindi naman namin kailangan talaga ng ayuda. Ang gusto namin, mabuksan talaga para kahit papaano mayroon kami kaysa naman umasa tayo sa gobyerno," sabi ng resort caretaker na si Garry Ramirez.

Aabot na umano sa milyong piso ang nalugi sa resort na pagmamay-ari ni Benigno Basillo Jr.

"Nanawagan ako sa mga nasa taas sa gobyerno kung maaari ay buksan na ang resort dahil sa kalugihan na nangyayari," aniya.

Ayon kay Calamba Mayor Timmy Chipeco, malaking industriya sa lungsod ang mga resort dahil sa mga hot spring.

Halos 2,000 resort ang apektado ng pagsasara sa ilalim ng quarantine regulations dahil sa patuloy na pandemya.

Umaapela rin si Chipeco sa Inter-Agency Task Force (IATF) na payagang magbukas ang mga pribadong resort kahit ilang porsiyento lamang.

Iginiit ni Chipeco na mas ligtas ang mga resort dahil nasa open area ito.

Nakiusap din ang alkalde sa IATF na payagan na ring mabakunahan ang mga resort worker para matiyak na ligtas kapag nagbukas.

Ipinagbawal ang operasyon ng mga resort matapos isailalim noong katapusan ng Marso sa enhanced community quarantine ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.

Nang ilagay sa general community quarantine (GCQ) "with heightened restriction" ang mga lugar noong Sabado, nagkaroon ng kalituhan sa mga resort owner.

Nagbukas umano ang mga resort, dahilan para manita ang mga pulis. Binigyan muna ng warning ang mga resort owner.

Sa ilalim ng mas mahigpit na GCQ, outdoor tourist attraction lang ang pinapayagang magbukas basta 30 porsiyento ng kapasidad at nasusunod ang health protocols.

FROM THE ARCHIVES:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.