Drive-thru COVID-19 vaccination umarangkada sa Quezon City

ABS-CBN News

Posted at May 18 2021 05:46 PM | Updated as of May 18 2021 11:54 PM

Drive-thru COVID-19 vaccination sa Fairview, Quezon City, Mayo 18, 2021. Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

MAYNILA — Umarangkada ngayong Martes ang drive-thru COVID-19 vaccination sa isang mall sa Quezon City.

Layon ng drive-thru vaccination sa parking lot ng SM Fairview na makatulong upang mapabilis ang pagbabakuna sa Quezon City, na ngayo'y may 35 vaccination sites na.

Nasa 10 hanggang 15 minuto ang buong proseso ng pagbabakuna sa mall.

Sa entrance ng parking lot hihingin ang pre-registration form ng magpapabakuna. Kapag naaprubahan, bibigyan na sila ng number na tatawagin para sa pagtuturok.

Ayon kay Joseph Juico, co-chairman ng vaccination task force sa Quezon City, nasa 10 porsiyento o 183,992 pa lang ang nababakunahan sa lungsod.

Watch more in iWantTFC

Pero inaasahang mas marami nang mababakunahan, lalo't itinutulak ang pagbabakuna sa A4 group ng vaccine priority list o essential workers.

Sa ngayon, AstraZeneca, Pfizer at Sinovac ang vaccine brands na ginagamit sa lungsod.

Samantala, sa Rodriguez, Rizal, nagsagawa rin ng drive-thru vaccination sa ilalim ng isang tulay.

Nauna nang magpatupad nitong buwan ng drive-thru COVID-19 vaccination ang Makati.

Target ng Pilipinas makapagbakuna ng hanggang 70 milyon ng populasyon bago matapos ang taon. Sa tala noong Lunes, halos 3 milyon dose ng COVID-19 vaccine na ang na-administer o naiturok ng gobyerno.

— Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC
 
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.