PatrolPH

Virus testing machine sa Bicol nasira sa pananalasa ng Ambo

ABS-CBN News

Posted at May 18 2020 03:03 PM

Problemado ang mga medical frontliner ngayon sa Bicol matapos masira ang isang makinang ginagamit sa pag-testing para sa coronavirus disease dahil sa bagyong Ambo.

Ayon sa Department of Health (DOH) sa Bicol, tigil muna ang operasyon ng Bicol Regional Diagnostic Reference Laboratory (BRDRL), ang laboratoryong nagsasagawa ng COVID-19 testing sa rehiyon.

Ito ay matapos umanong masira ang exhaust duct ng biosafety cabinet – na ginagamit sa pagproseso ng mga reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test – ng laboratoryo dahil sa bagyong Ambo.

Ayon sa abiso ng regional office ng DOH, hindi mapo-proseso ang samples kung hindi maayos ang exhaust duct kaya hindi muna tatanggap ng samples ang BRDRL.

Noong Biyernes, may 146 samples ang hindi na-test dahil sa mahinang supply ng kuryente. Ipadadala na lang umano ito sa Research Institute for Tropical Medicine sa Metro Manila.

Sa ngayon, higit 66 ang kaso ng COVID-19 sa Bicol region.

MGA BICOLANO BALIK-TRABAHO

Simula naman nang ipatupad ang general community quarantine sa rehiyo noong Sabado, balik-trabaho na ang ibang Bicolano.

Aminado ang ilang trabahador na hirap silang makapunta sa pinagtatrabahuhan dahil kaunti pa rin ang pampublikong transportasyon.

Binuksan na rin ang mga mall pero mahigpit na ipinatutupad ang physical distancing.

May mga pulis pa ring nakabantay sa mga pinipilahang lugar para magpaalala tungkol sa physical distancing. -- Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.